Duque: QC, dapat paigtingin ang contact tracing para sa Covid-19

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Quezon City Mayor Joy Belmonte
Kuha ni: Felicer Santos (The Philippine STAR)

Ipinahayag ni Health Secretary Francisco Duque III noong Agosto 29 na dapat paigtingin ng Quezon City ang contact tracing efforts nito para makontrol ang pagtaas sa Covid-19 cases.

Batay sa datos noong Agosto 28, nakapagtala ang lungsod ng mahigit 10,000 na mga karagdagang kaso, kung saan 1,822 ang aktibo. Naitala rin sa siyudad ang 8,751 recoveries at 416 deaths.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, ito ay dahil umano sa kawalan ng disiplina ng mga residente.

Aniya, “Kung ang disiplina naman ay nasa ating sarili. Disiplinado tayo, may nararamdaman tayo, self-isolate, mababawasan talaga ang contact tracing natin.”

Sa ngayon, may 1:5 case to close contact ratio o five close contacts traced sa bawat kumpirmadong kaso ang Quezon City.

Bagama’t ito ay mas mababa sa ideal na 1:37 contact tracing rate para sa urban areas na inirekomenda ni contact tracing czar Baguio City Mayor Benjamin Magalong, sinabi ni Belmonte na isa itong improvement mula sa dating 1:3 case to close contact ratio ng lungsod.

Subalit, para naman kay Duque, dapat pang paigtingin ng Quezon City ang contact tracing efforts nito para maabot ang realistic na 1:10 contact tracing rate.

The 1:37 for urban areas is the ideal recommended by Mayor Magalong (1:37 ang ideal para sa urban areas na inirekomenda ni Mayor Magalong). But syempre di basta basta maaabot, so it’s a good start to do 1:10. Tapos palalawigin na lang ‘yun,” ani Duque.

Dagdag pa ng kalihim,“They are progressing. 1:5 na. It used to be 1:3 lang before. That’s quite a progress but we need to continue to ramp it up, pataasin ‘yung case to contact ratio.”

Para maabot ito, sinabi ni Belmonte na kinailangan nilang magdagdag ng 300 na mga bagong contact tracers mula sa mga barangay, pulis, at volunteers sa 472 nitong contact tracers.

“Kakasimula pa lang natin mag-ramp up ng contact tracing efforts natin. Napakalaki ng ating lungsod at marami ang nagpo-positive bawat araw… We need manpower and transportation,” giit ng alkalde.

Bagama’t nais ng lungsod na maabot ang rekomendasyon ni Magalong na 1:37 ratio, hindi dapat aniya ihambing ang Quezon City sa Baguio dahil sa taglay nitong mas maraming entry points.

“Ang aming goal ngayon is 1:7 or 1:10 pwede na,” wika ni Belmonte.

Samantala, mag-uumpisa namang gamitin ng Quezon City ang bago nitong molecular laboratory sa susunod na linggo, kung saan madadagdagan nito ang testing capacity ng lungsod.

“With our own lab, makakaasa kayo na ang turnaround time ay 2-3 days maximum… 1,000 specimens per day,” paglilinaw ng alkalde.

LATEST

LATEST

TRENDING