Malacañang: Patuloy ang imbestigasyon tungkol sa mga pagsabog sa Jolo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula kay: Rep. Jericho Nograles (PBA Party-list)

Kinundena ng Malacañang noong Agosto 24 ang naganap na mga pagsabog sa Jolo, Sulu at tiniyak sa publiko na puspusan ang isinasagawang imbestigasyon para tukuyin ang mga salarin sa likod nito.

Ang dalawang pagsabog ay ikinasawi ng 11 katao, kabilang ang anim na sundalo, isang pulis, at apat na sibilyan. Nauwing sugatan din ang 43 katao, ayon sa lokal na awtoridad.

Kinumpirma ni Jolo Mayor Kherkar Tan na kabilang sa mga sugatan ang 18 Army personnel, 19 na mga sibilyan at, anim na police personnel.

We condemn in the strongest possible terms the explosion incidents in Jolo, Sulu today, which left scores dead and wounded, including soldiers. We likewise condole with the families and loved ones of those who died in these tragic incidents (Mariin naming kinukundena ang nangyaring mga pagsabog sa Jolo, Sulu ngayong araw kung saan ilan ang nasugatan at namatay, kabilang ang mga sundalo. Nakikiramay din kami sa pamilya ng mga binawian ng buhay dahil sa nasabing insidente),” ani presidential spokesman Harry Roque.

Dagdag pa ni Roque, “Authorities are now conducting an investigation, which includes identifying individuals or groups behind these dastardly attacks (Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang pangyayari, kabilang ang pagtukoy sa mga indibidwal o grupo sa likod ng mga pag-atakeng ito).”

Hinikayat din ni Roque ang mga residente ng Jolo na maging mapagmatyag at agad na iulat sa kinauukulan ang mga kahinahinalang tao o aktibidad sa lugar.

Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), ang unang pagsabog ay nagmula sa isang motorsiklong kinabitan ng bomba na nangyari noong 11:53 a.m.

Tinamaan ng pagsabog ang isang nakaparadang military truck sa harap ng Paradise Food Shop sa Serantes Street, Barangay Walled City, Jolo.

Ang ikalawang IED naman ay sumabog noong 1 p.m. sa layong 100 metro mula sa lugar na unang pinagsabugan.

Samantala, nagdeklara naman ang Philippine Coast Guard noong Agosto 24 ng hapon ng “red alert” sa Southwestern Mindanao, kabilang ang Zamboanga, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi upang tulungan ang pulis at militar sa imbestigasyon.

LATEST

LATEST

TRENDING