Robredo, hinikayat ang administrasyon na ihinto ang pagsusulong sa revolutionary gov’t

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Ipinahayag ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo noong Agosto 23 na “iligal” ang pagsusulong ng mga tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte ng revolutionary government dahil layon nitong “ibasura” ang Saligang Batas.

Noong Agosto 22, ipinanawagan ng grupong Mayor Rodrigo Roa Duterte National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) ang pagdedeklara ng isang revolutionary government at magtransisyon patungo sa pederalismo.

Ayon sa pangalawang pangulo, hindi dapat pinagtutuunan ng pansin ang ganitong mga hakbang dahil inaalis nito ang pokus ng pamahalaan sa Covid-19 pandemic.

“Bakit hinahayaan iyong mga ganitong exercise na mangyari, na mangyari at a time like this? Iyong sa akin lang, parang ang gusto mo ma-overthrow iyong Konstitusyon, na iyon iyong sandigan nating lahat,” ani Robredo.

Dagdag pa niya, “Sana iyong mga kasama ni Pangulo, hindi hinahayaan na bumuwelo ang mga ganito. Kasi ito talaga iyong panira, sa lahat na ginagawa natin, lalo na ngayong pandemic. Iyong lahat na efforts natin, dapat nasa COVID-19, pero ang pinag-uusapan natin Anti-Terror Bill, pagpasara ng ABS[-CBN], ‘di ba, pag-amend ng Constitution, pagdeklara ng RevGov, federalism.”

Sinabi ni Robredo na hindi makatutulong ang mga ganitong panukala sa laban ng bansa kontra Covid-19 dahil pinapalakas lamang nito ang mga espekulasyon tungkol sa kalusugan ng pangulo.

Aniya, “Hindi siya nakakatulong kasi ito, iyong panahon na tayo lahat naghahanap tayo ng leader. Ito iyong panahon na tayo lahat, ‘di ba, gusto natin naririnig natin iyong lider natin na nagbibigay sa atin ng direksyon.”

Hinikayat ng pangalawang pangulo ang mga awtoridad na ihinto ang mga ganitong hakbang kung saan sinabi naman ng Malacañang na malaya ang MRRD-NECC na ipahayag ang kanilang opinyon.

Idiniin naman ng Department of National Defense at ng Philippine National Police na hindi nila sinusuportahan ang nasabing panukala.

“Sa panahon na lahat na Pilipino dapat nagtutulong-tulong para masugpo iyong COVID—ang dami-dami nating mga kababayan na nagkakasakit, ang dami-dami nating kababayan na namamatay, ang daming frontliners ang nakataya ang buhay—tapos ang pag-uusapan natin ganito? Parang hindi siya makatarungan,” giit ni Robredo.

Sinabi naman ni Presidential spokesman Harry Roque na nakapokus ang administrasyon sa pagtugon sa pandemiya at muling pagpapabangon ng ekonomiya.

Umani naman ang pambabatikos ang nasabing panukala tungkol sa revolutionary government, kung saan ipinahayag ng ilang mga mambabatas na hindi naman ito kinakailangan.

LATEST

LATEST