Kongresista, pinuna ang palisiya ng PhilHealth na nagbibigay ng P786k para sa ‘probable’ Covid patients

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Kinuwestyon ni Marikina City Rep. Stella Quimbo noong Agosto 22 ang ipinatutupad na palisiya ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na umano’y nagbibigay ng P786,000 sa bawat “probable” Covid-19 case.

Ayon kay Quimbo na lumahok sa pagdinig ng Kamara tungkol sa mga iregularidad ng PhilHealth, ang nasabing palisiya ay isa lamang sa iba pang mga paraang ginagamit ng korporasyon na nagdulot sa pagkawala ng aabot sa P15 bilyong pondo nito.

“Mayroon silang polisiya na puwede kang mag-claim ng Covid case rates kahit na ikaw ay probable Covid patient lamang,” ani Quimbo.

Dagdag pa niya, “Ibig sabihin, hindi ka confirmed pero puwede kang mag-charge ng up to P786,000, which is the case rate for a Covid critical patient.”

“Paanong mangyayari ‘yun? Because at the time of payment malalaman na ng ospital kung confirmed Covid-19 case ka o hindi.” tanong ng mambabatas.

Isa pang modus na nagbigay daan sa pagkawala ng pondo sa PhilHealth ay ang interim reimbursement mechanism (IRM) kung saan inabuso ng health care institutions ang paggamit sa pondong inilaan para dito.

Aniya, “Maganda naman ang layunin. Dahil may delay ang payments, in-authorize silang gamitin ang IRMs. Pero ang nangyari ang laki-laki ng in-advance nila, naglabas siya ng P14.9 billion.”

“Pero base sa pag-compute ko kung anong pangangailangan nila… ang computation ko is P3.3 billion lang ang kailangan, (pero) ang in-advance nila is P14.9 billion,” diin ni Quimbo.

Ayon sa kongresista, malalim ang pinag-uugatan ng mga pangungurakot sa ahensya dahil kinakailangan umano ang pakikipagsabwatan nito sa iba’t-ibang sektor.

“Kumplikado ang modus kasi kailangan ng collusion o pagkukunstaba. Sa central office, may regional ka pa, may ospital ka pa at mayroon ka pong pasyente,” wika ni Quimbo, na nagmungkahing i-privatize ang PhilHealth.

Gayunpaman, tinanggihan ni PhilHealth president at CEO Ricardo Morales ang pagpapahintulot nito sa tinaguriang “mafia” sa loob ng PhilHealth.

Giit niya noong Agosto 4, “Ginagawa ko lang po ang tingin kong tama pero itinatanggi ko ho na ako ay coddler ng sindikato. Hindi ko ho kinikilala na mayroon hong sindikato sa loob. Mayroon hong gumagawa ng katiwalian sa loob, pero hindi ko ho alam kung ito ho ay sindikato o hindi.”

Ilang opisyal naman ng PhilHealth ang magsasampa ng kaso laban sa dating empleyadong si Thorrsson Montes Keith, na nagsiwalat tungkol sa umano’y pagnanakaw ng mga opisyal sa pondo ng ahensya.

“Meron kasi siyang pinirmahan dito na confidentiality clause and he revealed inside information so we will see what we can do about that,” ani Morales.

Isa si Keith sa tatlong PhilHealth officers na binigyan ng Senate legislative immunity upang malayang makapagtestigo tungkol sa mga alegasyon ng kurapsyon at iregularidad sa PhilHealth.

LATEST

LATEST

TRENDING