PRRD, hinikayat ang taumbayan na gayahin ang ipinamalas na ‘tapang at patriyotismo’ ni Ninoy Aquino

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 21 ang mga Pilipino na mamuhay nang may “tapang at patriyotismo” katulad ng ipinamalas ng yumaong senador na si Benigno “Ninoy” Aquino Jr.

Ipinahayag ito ng pangulo habang kasabay nang paggunita ng bansa sa ika-37 na death anniversary ni Aquino.

Sa kanyang mensahe, kinilala at binigyang pugay ni Duterte ang buhay, trabaho, at mahalagang naging papel ni Aquino sa pamamahalaan na “iniangat ang buhay ng marami, lalo na ang mga naapi at naghihirap.”

Ayon kay Duterte, posible ring maging bayani ang mga Pilipino sa paggaya sa ipinamalas na “displina, kabutihan, at responsibilidad sa kapwa” ni Aquino, lalo na’t nahaharap ngayon ang bansa sa krisis na hatid ng Covid-19.

As this important occasion is remembered during this time that we are facing a global public health crisis, may we emulate Ninoy’s courage and patriotism so we may all be heroes through acts of discipline, goodwill and social responsibility (Habang ginugunita natin ang mahalagang okasyong ito kasabay nang pagharap natin sa global public health krisis, nawa’y tularan natin ang katapangan at patriyotismo ni Ninoy upang tayo rin ay maging bayani sa pamamagitan ng disiplina, kabutihan, at responsibilidad sa kapwa),” giit ng pangulo.

Hinikayat din ng pangulo ang mga Pilipino na makipagtulungan sa pamahalaan sa ginagawang pagresponde nito sa Covid-19 pandemic.

Ang Agosto 21 ay idineklarang special non-working holiday para gunitain ang kamatayan ni Aquino.

Si Aquino, na dating senador ng oposisyon at mariing kritiko ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos, ay binaril sa kanyang paglapag sa noo’y Manila International Airport noong Agosto 21, 1983.

Dahil sa kanyang pagkamatay, sumiklab ang malawakang pagkilos laban sa rehimeng Marcos na nauwi sa Edsa People Power Revolution noong Pebrero 1986.

Napatalsik ng rebolusyon si Marcos, na pinalitan naman ng asawa ni Aquino, na si dating Pangulong Corazon Aquino.

LATEST

LATEST

TRENDING