Malacañang, ipinagkibit-balikat ang mislabeling ng Manila bilang lalawigan ng China sa isang produkto

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: PBA Party-list Rep. Jericho Nograles

Ipinagkibit-balikat ng Malacañang noong Agosto 20 ang pagturing sa Manila bilang lalawigan ng China sa isang beauty product, matapos planuhing i-blacklist ng isang mambabatas ang nasabing produkto.

Ayon kay Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Party-list Rep. Jericho Nograles, dapat paimbestigahan ang isang Chinese hair care product na mayroong label na nagpapakitang “province of the People’s Republic of China” ang Binondo, Manila.

Gayunpaman, ipinagwalang-bahala lamang ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque dahil wala naman umanong maniniwala na ang Pilipinas ay lalawigan ng China.

Aniya, “Sa akin, kalokohan lang iyan. Hindi dapat pinapansin iyan dahil wala naman maniniwala na tayo ay probinsya ng Tsina.”

Ang nasabing produkto na Ashley Shine Keratin Treatment Deep Repair, ay distributed ng Binondo-based Elegant Fumes Beauty Products na pag-aari ng isang Chinese national.

Tungkol naman sa panawagan ni Nograles na i-blacklist ang produkto, sinabi ni Roque na hahayaan nilang magpasya ang Food and Drug Administration (FDA) tungkol dito.

“Let’s allow the FDA to exercise their exclusive jurisdiction pagdating sa bagay na iyan,” ani Roque.

Ilang beses nang pinuna ng mga Pilipino ang mga insidenteng pagturing sa Pilipinas bilang lalawigan ng China.

Mas naging malapit ang relasyon ng Pilipinas at China simula noong maupo si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.

Noong 2018, ikinabit ang ilang mga banner na may mensaheng “Welcome to the Philippines, Province of China” sa ilang bahagi ng Metro Manila.

Sa unang bahagi ng taon, ikinagalit naman ng netizens ang geotag na “Philippines province of China” matapos itong umalingawngaw sa social media.

Subalit, hindi sineryoso ng Malacañang ang mga nasabing insidente.

LATEST

LATEST

TRENDING