Halos tatlong milyong Covid-19 cases ang posibleng hindi naitala, ayon sa isang non-peer-reviewed academic paper na inilathala sa website ng Ateneo de Manila University.
Gamit ang epidemiological at statistical modeling para i-estimate ang underreporting sa Pilipinas, napag-alaman ng mananaliksik na si Jan Frederick Cruz na posibleng umabot sa 2,812,891 ang bilang ng Covid-19 cases sa Pilipinas mula Abril hanggang Hunyo sa halip na 34,354 na naiulat.
Nangangahulugan itong 1.22 percent lamang ng mga impeksyon ang na-detect noong panahong iyon, ayon kay Cruz.
Tinalakay din sa pag-aaral ni Cruz ang sitwasyon ng Covid-19 sa apat na bansa sa Southeast Asia gamit ang parehong computations at metodolohiya sa pagtukoy ng Covid-19 sa bansa.
Ayon sa kanyang analysis, 96 hanggang 99 percent ng mga impeksyon sa Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Thailand, at Singapore sa ikalawang quarter ng taon ay posibleng hindi nakumpirma, kung saan iminumungkahing maaaring pinakamaraming missed cases ang naitala ng Indonesia mula sa limang bansang nabanggit. Subalit, iginiit nitong posibleng dahil ito sa mataas na populasyon ng Indonesia, na doble pa sa bilang ng Pilipinas.
Para sa Pilipinas, isang estimated na 98 percent ng mga impeksyon ang hindi nadiskubre sa ikawalang quarter ng taon.
Samantala, posibleng nagkaroon naman ng 89,357 Covid-19 cases ang Thailand sa halip na 1,520, at posibleng pumalo sa 158,237 ang estimated cases ng Malaysia sa halip na 6,011.
Ang limang bansang nabanggit sa pag-aaral ay tinaguriang “ASEAN-5”.
Na-compute ni Cruz ang tinatawag niyang “crude estimates” sa pamamagitan nang pag-multiply sa bilang ng reported infections sa bilang na nakuha sa pag-divide ng case fatality ratio o CFR ng isang bansa sa CFR ng Singapore.
Ginamit ang Singapore bilang baseline dahil ito ang may pinakamababang CFR sa ASEAN-5.
Idiniin din ni Cruz na hindi saklaw ng CFR ang mga “hindi sumailalim sa medical diagnosis dahil sa agarang paggaling o hindi pagpapakita ng seryosong sintomas na kinakailangang gamutin.”
Ayon sa mananaliksik, ang mga napag-alaman ng kanyang pag-aaral ay naaayon sa rekomendasyon ng World Health Organization na mag-test, trace at isolate, at para ibaling ng pamahalaan ang pondo nito para isakatuparan ang mga naturang rekomendasyon.