DOST: Covid-19 vaccine, posibleng maging available sa ikalawang quarter ng 2021

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Posibleng maging available na ang bakuna kontra Covid-19 para sa mga Pilipino sa ikalawang quarter ng 2021, ayon sa isang opisyal ng Department of Science and Technology (DOST) noong Agosto 19.

If we are talking about the availability en masse, we believe this is going to be happening in the second quarter of next year (Kung pag-uusapan natin ang availability nang pangkalahatan, naniniwala kaming mangyayari ito sa second quarter sa susunod na taon),” ani Rowena Guevara, chairperson ng Sub-Technical Working Group on Vaccine Development at DOST Undersecretary for Research and Development.

Ayon kay Guevara, natakdang isagawa ang clinical trial para sa Covid-19 vaccine sa huling bahagi ng taon. Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa Russia at sa 16 pang ibang vaccine manufacturers.

Sinabi ng vaccine panel na hindi pa nila natatangap ang kumpletong records mula sa Russia – isang requirement para sa pag-apruba ng Food and Drug Administration (FDA) sa pagdaraos ng clinical trial ng “Sputnik-V” sa bansa. Ayon kay Dr. Nina Gloriani, isinumite pa lamang ng Moscow-based manufacturers ang synopsis ng research nito.

Binanggit ng FDA na hindi nito papayagan ang Phase 3 clinical trial sa bansa kung hindi susuriin ng regulatory at ethics board ang mga dokumento mula sa Phases 1 at 2, upang matiyak na ligtas ang bakuna.

Nauna namang sinabi ni  Presidential Spokesperson Harry Roque na sabay na isasagawa ng Pilipinas at Russia ang Phase 3 simula Oktubre 2020 hanggang Marso 2021.

Nag-abiso naman ang World Health Organization (WHO) noong Agosto 18 sa mga bansa na huwag lamang maghintay sa pagdating ng Covid-19 vaccine.

Ayon kay WHO Western Pacific Regional Director Dr. Takeshi Kasai, dapat pagtuunan ng mga bansa ang pagpapaigting sa kanilang mga isinasagawang Covid-19 response dahil baka magkulang ng suplay ang bakuna sa inisyal nitong produksyon.

LATEST

LATEST

TRENDING