PRRD, nais bisitahin ang mga biktima ng lindol sa Masbate

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Ipinahayag ng Malacañang na nais bisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga residenteng naapektuhan ng naganap na magnitude 6.6 na lindol sa lalawigan ng Masbate noong Agosto 18.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bagama’t nais lumipad ni Duterte patungong Masbate, hindi pa tiyak kung papahintulutan ito ng kanyang security.

Aniya, “Siguradong-sigurado po ako na gusto ni Presidente pumunta at siguro po makikipag-away pa ‘yan sa (Presidential Security Group) kung talagang siya’y pipigilan.” 

Sinabi na Roque na ito ay desisyon sa pagitan ng pangulo at ng PSG.

“Instinctively, ang Presidente gusto na lumipad papuntang Masbate pero whether or not he will be allowed, titignan po natin,” ani Roque.

Kilala si Duterte na palaging bumibisita sa biktima ng mga kalamidad kahit bago pa man lumaganap ang Covid-19 pandemic.

Subalit, nilimitahan ng PSG ang pagkilos ng pangulo alang-alang sa kanyang kalusugan at kaligtasan.

Tiniyak naman ni Roque na mabibigyan ng tulong ang mga naging biktima ng lindol.

“Ang mga Pilipino, dahil nga sa dami ng bagyo at lindol at pagputok ng bulkan na nangyayari sa’tin, laging handa na tayo. At dahil laging handa tayo, tingin ko naman napa-preposition na nga gaya ng sinabi ko yung mga humanitarian assistance. Dadagdagan pa po natin ‘yan,” ani Roque.

Ayon kay Roque, laging nalalagpasan ng mga Pilipino ang anumang hamon.

“Kabahagi ng buhay natin ang mga ganitong mga sakuna pero palagi po tayong tumatayo at palagi po natin sinisugurado na nagbabayanihan ang lahat,” wika ng tagapagsalita ng pangulo.

Kumpiyansa rin itong tutulong ang pribadong sektor para sa mga nangangailangan ng tulong.

“Huwag po kayo mag-alala. Yung mga pagkain, mga blankets, mga resettlement areas, lahat po ‘yan ay naka-preposition na po ‘yan at sanay na sanay na po tayo magbigay ng ganiyang tulong sa ating mga kababayan,” diin ni Roque.

Ayon sa ulat, isang retired police colonel ang nasawi habang ilan naman ang sugatan matapos yanigin ng lindol ang bayan ng Cataingan sa Masbate.

Batay sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvolcs), ang sentro ng lindol ay naitala pitong kilometro sa timog-kanluran ng Cataingan bandang 8:03 a.m.

LATEST

LATEST

TRENDING