Duterte, dudulog sa Russia at China para makabili ng COVID-19 vaccine

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Habang nagkukumahog ang mga bansa sa mundo na makakuha ng bakuna kontra Covid-19, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na makikiusap siya kay Russian President Vladimir Putin at Chinese President Xi Jinping kung maaaring bumili ng bakuna ang Pilipinas at babayaran ito nang hulugan o installment.

Aniya,  “If it is quite expensive, I will ask my friends President Putin and President Xi Jinping to give us a credit (Kung mahal, makikiusap ako sa mga kaibigan kong sina Pangulong Putin at Pangulong Xi na bigyan tayo ng credit), parang utang. But we will pay in installments (Pero babayaran natin nang hulugan).”

Pinasalamatan naman ng pangulo ang Russia at China sa pag-aalok ng bakuna laban sa nakamamatay na sakit.

Noong nakaraang linggo, inanunsyo ng Russia na nakagawa na ito ng “kauna-unahang” Covid-19 vaccine sa buong mundo, kung saan lalahok ang Pilipinas sa gaganaping phase 3 trial nito sa Oktubre.

Samantala, tiniyak naman ng China na bibigyang prayoridad ang Pilipinas kung papahintulutan nang ibenta ang nagawa nitong bakuna.

Iginiit naman ni Duterte na hindi niya ibibigay nang libre ang bakuna, dahil gumastos aniya ang dalawang bansa para rito at ang iba’t-ibang mga ekonomiya sa buong mundo ay nakararanas ng “hemorrhage.”

Remember, this is not for free. After all, they did not develop the vaccine without great expense and of course the human effort involved (Tandaan, hindi ito libre. Hindi nila ginawa ang bakuna nang hindi gumagastos nang malaki at kumukuha ng mga gagawa nito),” ani Duterte.

Dagdag pa ng pangulo, “Basta sinasabi ko magbayad tayo, hindi ito libre.”

Unang sinabi ng pangulo na maaaring dumating ang bakuna sa Disyembre. Subalit, pinabulaanan ito ng Department of Science and Technology at sinabing baka sa kalagitnaan pa ng 2021 ito dumating.

LATEST

LATEST

TRENDING