Dapat nilinis muna aniya ng Philippine National Police (PNP) ang hanay nito bago ipatupad ang “War on Drugs”, pahayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa isang podcast interview noong Agosto 14.
Ayon kay Dela Rosa, na dating PNP Chief bago maging senador, dapat umanong nagsagawa muna ng “internal cleansing” ang PNP bago ilunsad ang madugong kampanya kontra iligal na droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Inamin ng senador na kung may pagkakataong ilunsad muli ang drug war, tatanggalin muna niya sa PNP ang mga tiwaling opisyal.
Aniya, “So I think… the best model should be …nilinis muna namin yung hanay namin. Then after that, banat sa labas. Internal cleansing muna, then external war.”
Sa parehong panayam, iginiit ni Dela Rosa na nagdulot ng positibong resulta ang War on Drugs bagama’t naharap ito sa kaliwa’t-kanang kritisismo mula sa human rights advocates dahil sa pagdudulot nito ng libu-libong extrajudicial killings.
“Despite all these apprehensions, in general mataas pa rin ang approval rating ng ating kapulisan base sa survey so ibig sabihin nyan, mga pangangamba n’yan na-outweighed sila dun sa mga positive results na nangyayari sa ating Oplan Tokhang,” ani “Bato”.