Mga opsyon ni Duterte: Palawigin ang MECQ o magpatupad ng localized lockdowns sa NCR

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Maaaring panatilihin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang modified enhanced community quarantine (MECQ) o di kaya ay magpatupad na lamang ng localized lockdowns sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan, ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles noong Agosto 14.

Aniya, “We can retain the MECQ but again, siyempre, the economy would be something that we must consider (dapat nating ikonsidera ang ekonomiya). Otherwise, if we go GCQ (general community quarantine), we will have to be very strict doon sa ating localized lockdown.”

Si Nograles, na siya ring co-chair ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), ay naglabas ng pahayag matapos sabihin ng Malacañang na maliit ang posibilidad na palalawigin ni Duterte ang MECQ sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.

Noong Agosto 13, binanggit naman ng Malacañang na isang “remote possibility” ang pagpapasailalim ng Metro Manila sa modified GCQ (MGCQ), o ang pinakamaluwag na klasipikasyon ng community quarantine.

Kung magdesisyon ang pangulo na paluwagin ang quarantine sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan nito sa GCQ, dapat umanong maging “mas aktibo” ang mga pamahalaang lokal sa paglulunsad ng localized lockdowns para malabanan ang Covid-19, dagdag pa ni Nograles.

“We can assure the public na even if mag-GCQ, mas magiging aktibo po ang pag-localized lockdowns natin. That’s the other option,” paliwanag ng Cabinet Secretary.

Ang umiiral na MECQ sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal ay magwawakas sa Agosto 18.

Samantala, inamin naman ni Nograles na may mga kinakaharap pa ring “mga hamon” ang pagpapatupad ng MECQ dahil karamihan ng mga Covid-19 cases ay naitala sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.

“Ito pong ginawa nating MECQ, we will feel the positive effects of this in the coming weeks because of the incubation period of the virus (mararamdaman natin ang mga positibong epekto sa darating na mga linggo dahil sa incubation period ng virus),” ani Nograles.

Dagdag pa niya, “We’ll see a slowdown in that in the next few weeks (Makikita natin ang pagbagal sa susunod na mga linggo)”.

Sinabi rin ni Nograles na nagsagawa na ng “preliminary assessment” ang IATF tungkol sa sitwasyon sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

Naisumite na raw ng IATF ang mga rekomendasyon para sa bagong quarantine classifications simula Agosto 19 sa mga pamahalaang lokal ng Metro Manila at mga karatig-lalawigan para mabigyan ng sapat na oras na makapag-apela.

Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye si Nograles dahil ayaw nitong pangunahan ang pag-aanunsyo ng pangulo tungkol sa bagong mga klasipikasyon ng quarantine.

“Today, sa IATF meeting namin this afternoon, we will be looking at the appeals, if any, of the different Metro Manila and neighboring provinces, LGUs. Then we will give a final recommendation to the President,” wika ni Nograles.

Inaasahang gagawin ng pangulo ang pag-aanunsyo ng panibagong quarantine classifications sa bansa sa Agosto 17, ayon sa Malacañang.

“Ultimately, si Pangulo naman ang magde-desisyon kung ire-retain ba natin ang MECQ  or we to go to GCQ,” giit ni Nograles.

LATEST

LATEST

TRENDING