Posibleng masaksakan si Pangulong Rodrigo Duterte ng bagong gawang Russian Covid-19 vaccine sa Mayo 2021, ayon sa Malacañang noong Agosto 13.
Nagboluntaryo ang pangulo na mabakunahan at posible itong maisakatuparan sa Mayo 1, 2021, kung mapapatunayang ligtas at epektibo ang bakuna sa Marso 2021, paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Aniya, “Inaasahan natin na pupwedeng magpabakuna ang ating Presidente dito po sa Russian na bakuna sa Mayo 1, 2021”.
Kinakailangan naman ni Duterte ang pahintulot ng Presidential Security Group bago ito makakuha ng vaccine shot.
Ayon kay Presidential Security Group commander Col. Jesus Durante, papayagan nilang mabakunahan si Duterte pagkatapos maaprubahan ang nasabing vaccine ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH).
Balak naman ng Pilipinas at Russia na isagawa ang phase 3 clinical trials ng Russian vaccine mula Oktubre hanggang Marso sa susunod na taon, wika ni Roque, na idiniing posibleng mairehistro ang nasabing bakuna sa FDA pagdating ng April 2021.
Ang Phase 3 clinical trials, ayon sa website ng Food and Drug Administration (FDA), ay lalahukan ng 300 hanggang 3,000 volunteers na mayroong sakit o kondisyon, kung saan susuriin ang pagiging epektibo ng bagong yaring gamot.
“Sa Abril, inaasahang marerehistro po ang bakuna ng Russia. At ibig sabihin po, sa Mayo 1, 2021 pa lamang na pupwedeng magpasaksak ng bakuna mula sa Russia ang ating Presidente,” ani Roque.
Naunang idineklara ni Pangulong Vladimir Putin ng Russia na ang kanyang bansa ang kauna-unahang nakapag-apruba ng bakuna kontra Covid-19 noong Agosto 11 bagama’t ngayong linggo lamang inumpisahan ang huling stage testing nito.
Ang bakunang “Sputnik V” ng Russia ay ginawa ng Gamaleya research institute sa pakikipagkoordinasyon sa Russian defense ministry.