Hinikayat ng isang unyon ng mga manggagawa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) si Health Secretary Francisco Duque III na magkomento tungkol sa mga alegasyon ng kurapsyon laban sa mga opisyal ng korporasyon.
Naging tahimik aniya si Duque, na siyang chairman ng PhilHealth board, tungkol sa isinagawang pagdinig ng Senado tungkol sa isyu kung saan inakusahan ng mga whistleblowers ang ilang opisyal ng PhilHealth ng pagnanakaw umano ng aabot sa P15 bilyong pondo ng ahensya, ayon kay PhilHealth Workers for Hope, Integrity, Transparency, and Empowerment (PhilHealth-WHITE) president Ma. Fe Francisco.
Aniya, “Gusto namin siyang mapakinggan, what he has to say about what is going on (kung ano ang kanyang masasabi sa mga nangyayari)”.
Naunang humiling ang PhilHealth WHITE kay Pangulong Rodrigo Duterte na magtalaga ng isang caretaker para sa ahensya matapos maghain ng medical leave sina PhilHealth President at CEO Ricardo Morales, at Executive Vice President Arnel De Jesus.
Ayon kay Francisco, hindi dapat si Duque ang italagang caretaker dahil nahaharap din ito sa hiwalay na imbestigasyon tungkol naman sa pagkukulang sa Covid-19 response ng bansa.
Hinikayat naman ni Francisco ang kanyang mga kapwa empleyado na “linisin at i-disinfect ang PhilHealth”.