Ipinahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Agosto 10 na hiniling nito ang preventive suspension ng 50 na mga punong barangay matapos masangkot ang mga ito sa kurap na aktibidad hinggil sa distribusyon ng ayudang pinansyal mula sa pamahalaan.
Naghanda naman ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group ng 155 na mga kasong kriminal laban sa mga lokal na opisyal, ayon kay DILG Secretary Eduardo Año.
Naghain din umano ang ahensya ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa mga nasabing opisyal sa Ombudsman.
“Nai-submit na po namin itong mga kaso na ‘to, at within the week po ay inaasahan namin na initially ay 50 barangay captain ang magkakaroon ng preventive suspension habang iniimbestiga po ng Ombudsman ang administrative aspect ng kanilang mga kaso,” ani Año.
Ang mga nabanggit na opisyal ay nagmula sa Metro Manila, Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon at Calabarzon, dagdag pa ni Año.
Naunang nagbabala naman si Pangulong Rodrigo Duterte na agad niyang sususpendehin o sisibakin ang mga tiwaling lokal na opisyal ng pamahalaan.
Ipinag-utos din ng pangulo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hingin ang tulong ng pulis at militar sa distribusyon ng ayudang pinansyal dahil sa pangambang maari itong ibulsa ng mga barangay officials.