Tinatayang nasa 275 katao ang kasalukuyang stranded sa isang pantalan sa Maynila matapos ipagbawal ng ilang mga lalawigan sa Western Visayas ang pagpapapasok sa mga nagsisipag-uwiang residente para makontrol ang paglaganap ng Covid-19, ayon sa isang opisyal noong Agosto 10.
Magtatagal ang moratorium para sa locally stranded individuals (LSIs) sa central region hanggang Agosto 21, ayon kay Philippine Ports Authority General Manager Jay Santiago.
Nasa 175 katao na may kanseladong biyahe dahil sa travel ban ang kasalukuyang tumutuloy sa North Harbor sa Maynila. 100 namang iba pa, na walang mga ticket, ang nananatili sa mga container vans na ipinagamit ng isang shipping line sa labas ng pantalan.
Ayon kay Santiago, nauubusan na ng pondo ang kanyang ahensya para pakainin ang mga LSIs, apat na buwan simula noong ipatupad ang lockdown.
Aniya, “Hindi po natin inaasahan ang nangyayari at wala po tayong alokasyon para sa ganyang operasyon”.
“Bagama’t may mangilan-ngilan po na mga pribadong sektor na tumutulong po at nagkakawang-gawa sa pamimigay ng pagkain, hindi po sapat iyon,” dagdag pa niya.
Pinaalalahanan niya ang mga babiyahe na huwag nang magtungo sa pantalan kung walang kumpirmasyon ang kani-kanilang mga biyahe mula sa shipping lines.
Suspendido rin umano ang lahat ng pampublikong sasakyan sa Metro Manila habang ito ay nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang Agosto 18.