Roque, pabor pa rin sa pagbuwag ng PhilHealth

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Presidential Spokesperson Harry Roque

Ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pabor pa rin ito sa panukalang buwagin na ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) alinsunod sa mga umaalingawngaw na alegasyon ng katiwalian laban sa ahensya.

Iminugkahi ni Roque, na siyang awtor ng Universal Health Care Act noong siya ay isa pang mambabatas, ang paggawa ng bagong ahensya na papalit sa kurakot na PhilHealh.

Aniya, “As author in the HOR (House of Representatives) of UHC (Universal Health Care Act), I proposed to abolish PhilHealth and replace it with another agency to rid it of corrupt people who unfortunately are protected by civil service laws (Bilang awtor sa HOR ng UHC, iminumungkahi ko ang pagbuwag sa PhilHealth at ang pagpapalit nito ng isang bagong ahensya upang matanggal na ang mga kurap na tao na sa kasamaang palad ay protektado ng civil service laws)”.

Itinatag ang PhilHealth noong 1995 nang lagdaan ang National Health Insurance Act ni dating Pangulong Fidel V. Ramos. Inatasan ang ahensyang magbigay ng social health insurance coverage para sa mga Pilipino.

Naging tanggapan ng kaliwa’t-kanang pambabatikos ang korporasyon matapos ibunyag ng isang dating opisyal ng ahensya na ibinulsa ang tinatayang P15 bilyong corporate funds ng ilang mga opisyal nito.

Iginiit ng abogadong si Thorrsson Montes Keith, dating antifraud officer ng PhilHealth, na ninakaw ang naturang pondo ng pinaghihinalaang “mafia” na kinabibilangan ng mga miyembro ng PhilHealth executive comittee.

Tinanggihan naman ito ng PhilHealth at sinabing malisyoso at walang batayang ebidensiya ang mga paratang ni Keith.

Kumbinsido naman si Roque sa mga pahayag ni Keith. Nababahala naman ang tagapagsalita ng pangulo sa kawalan ng aksyon ni PhilHealth president Ricardo Morales para tugunan ang talamak na katiwalian sa loob ng korporasyon.

Aniya, “I did not hear steps that he has taken to remove corruption in the agency – that to me, is the most worrisome (Wala akong narinig na hakbang para alisin ang kurapsyon sa ahensya – para sa akin, ito ang pinakanakakabahala)”.

Bago bumalik bilang presidential spokesperson nitong taon, naunang ipinanawagan ni Roque ang abolisyon ng PhilHealth sa kasagsagan ng ghost dialysis treatment scheme noong 2019. Siya ang nagsilbing abogado ng dalawang whistleblowers sa naturang scam.

LATEST

LATEST

TRENDING