Duterte, makikipagpulong sa IATF sa Agosto 10

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Nakatakdang makipagpulong si President Rodrigo Duterte sa piling mga miyembro ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Diseases (IATF) sa Lungsod ng Davao sa Lunes, Agosto 10, ayon sa Malacañang.

Ang pagpupulong ay magaganap nang hindi bababa sa isang linggo bago magwakas ang mga kasalukuyang klasipikasyon ng quarantine protocols sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, asahan ang pag-ere ng naturang pagpupulong sa parehong araw.

Aniya, “Ang susunod pong broadcast natin ay sa siyudad ng Davao. Magkakaroon po ng pagpupulong ang Presidente kasama po ang ilang mga piling miyembro ng IATF sa araw ng Lunes “.

Hindi naman nilinaw ni Roque kung ano ang agenda ng gaganaping pagpupulong.

Noong Hulyo 30, inanunsyo ni Duterte ang pagpapagaan ng quarantine status sa Cebu City sa general community quarantine (GCQ) mula sa naunang modified enhanced community quarantine (MECQ).

Bukod sa Cebu City, isinailalim din ng pangulo sa GCQ ang Metro Manila, Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, at Rizal mula Agosto 1 hanggang 15.

Subalit, muling isinailalim ni Duterte sa MECQ ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal mula Agosto 4 hanggang 18 bilang pagtugon sa hiling ng medical frontliners para sa “timeout” upang hindi tuluyang bumagsak ang sistemang pangkalusugan sa bansa dahil sa Covid-19 pandemic.

LATEST

LATEST

TRENDING