Posibleng magkaroon ng market ang Philippine coconut fiber sa Switzerland, ayon kay Swiss Ambassador to the Philippines Alain Gaschen noong Agosto 3.
Sa isang birtuwal na pagpupulong, sinabi ni Gaschen na nais ng Switzerland na mag-import ng mas marami pang produkto, partikular na ang mga produktong agrikultural, mula sa Pilipinas.
“And one I have been following is the coco fiber (At isa sa mga sinusundan ko ang coco fiber),” ani Gaschen.
Binanggit ng Swiss envoy na lumikha ang University of Applied Science sa Bern ng isang uri ng organic plywood na yari sa bao ng niyog.
Aniya, “[T]hey use them to develop a kind of plywood which is as good as any of the alternative for wood but with no chemicals, no glue, no chemicals. It’s purely organic (Ginagamit nila ito para gumawa ng isang uri ng plywood na kasing ganda rin ng kahit anumang alternatibo ng kahoy subalit walang kemikal. Ito ay purong organiko)”.
Sinabi naman ni Agriculture Secretary William Dar na ang lupa sa bansa na inilaan sa pagtatanim ng niyog ay nasa 26 percent ng agricultural land o tinatayang nasa 3.6 milyong ektarya na kayang tumugon sa 339 milyong niyog at 3.4 milyong coconut farmers. 68 na mga lalawigan naman sa bansa ang itinuturing na coconut-growing areas.
“Now we are in the process to tap in the potential. We sense that there is potential both ways for more export from the Philippines towards Switzerland and we have a study ongoing (Ngayon tinitingnan natin ang potensyal. Tingin namin, may potensyal para sa mas maraming exports mula Pilipinas patungong Switzerland at may isinasagawa kaming pag-aaral tungkol dito),” giit ng Swiss ambassador.
Ilan sa mga produktong nais i-import ng Switzerland mula sa Pilipinas ay textile, food at processed food, at iba pa. Idinagdag ni Gaschen, na posibleng paigtingin ang koordinasyon sa pagitan ng Switzerland at Pilipinas sa larangan ng medical technology, agritech, at biotech.
Dahil sa pananalasa ng Covid-19 pandemic, ipinahayag ni Gaschen na pinalalakas din ng Swiss embassy ang partnership nito sa Department of Health (DOH).
Binanggit din niyang may planong mag-invest ang isang Swiss pharmaceutical company sa bansa sa nalalapit na hinaharap.
Hinikayat naman ng Swiss envoy ang mga Filipino enterprises na gamitin ang Philippines-European Free Trade Association (EFTA) free trade deal sa pag-export sa Switzerland.
Ayon kay Gaschen, tumaas ang kalakalan sa pagitan ng Bern at Manila sa 9 percent noong 2019, isang taon makalipas ang pagiging epektibo ng Philippines-EFTA free trade agreement (FTA).
Ang nasabing FTA sa pagitan ng Pilipinas at EFTA ay nilagdaan sa Bern, Switzerland noong 2016 at naging epektibo noong Hunyo 2018.
Pinapahintulutan ng nasabing kasunduan ang duty-free entry ng mga produktong lokal sa mga bansa ng EFTA, na kinabibilangan ng Iceland, Liechtenstein, Norway, at Switzerland.