Ginawa nang mandatoryo para sa lahat ng pasahero ng mga pampublikong transportasyon ang pagsusuot ng face shield at face mask simula Agosto 15, ayon sa Department of Transportation noong Agosto 5.
Nauna itong kinonsidera ng Inter-agency task force (IATF), na siyang nagbabalangkas ng mga panuntunan para sa Covid-19 response.
Nauna ring binanggit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang pagsusuot ng face shield ay inirerekomenda sa Metro Manila at Southern Tagalog Region (Calabarzon).
Ang Kalakhang Maynila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan ay muling isinailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) mula Agosto 4 hanggang 18 upang mapigilan ang lalo pang paglaganap ng coronavirus, kung saan patuloy ang pagtaas sa bilang ng mga kaso.
Batay sa datos noong Agosto 4, pumalo na sa 112,593 ang bilang ng Covid-19 cases sa bansa, kung saan naitala ang pinakamataas na bilang ng pag-akyat sa isang araw na nasa 6,352.
Sa kabuuang datos, 2,115 na ang nasawi habang 66,049 naman ang gumaling.