Pangulo ng PhilHealth, paulit-ulit umanong nag-apruba ng maanomalyang IT badyet

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
PhilHealth president Ricardo Morales
Larawan mula sa: BusinessWorld

Inaprubahan ni Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) president Ricardo Morales at iba pang matataas na opisyal ng ahensya ang pagbili ng overpriced equipment at software na tinatayang aabot sa milyun-milyong piso, pagbubunyag ng isang board member ng ahensya noong Agosto 4.

Nasa P2.1 bilyon ang inisyal na information and technology (IT) budget ng PhilHealth para sa 2020. Subalit, ito ay tinanggihan matapos mapag-alamang overpriced o inulit ang maraming items, ayon kay Alejandro Cabading, isang certified public accountant na kabahagi ng board of directors.

Iginiit ni Cabading na kwestyunable ang panukalang badyet dahil ilang items dito ay kwadruple sa presyong inaprubahan ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Ilang sa mga maanomalyang items sa PhilHealth IT budget ay:

  • P21 milyon para sa Adobe Master Collection software (DICT-approved cost: P168,000)
  • P40 milyon para sa application servers at licenses (DICT-approved cost: P25 million)
  • P5 milyon para sa structured cabling (DICT-approved cost: P500,000)
  • P42 milyon para sa identity management software (DICT-approved cost: P20 million)
  • P21 milyon para sa office productivity software (DICT-approved cost: P5 million)
  • P25 milyon para sa application servers at virtualization licenses (DICT-approved cost: P14.8 million)

Kabilang din sa maanomalyang proposal ang kwestyunableng mga kagamitan katulad ng dalawang set ng laptop, kung saan ang isa ay nagkakahalaga ng P4.11 milyon, habang ang isa naman ay P115.32 milyon.

Isa pang item na nagkakahalaga nang P98.07 milyon ay pinangalanan lamang “three projects,” paliwanag ni Cabading.

I tried to find a solution by raising this with management, but the most frustrating part is it seems that management seems to be tolerating this act (Sinubukan kong hanapan ng solusyon sa pamamagitan ng pagdulog sa pamunuan, subalit nakakagalit dahil tila pinapahintulutan lamang ito ng pamunuan),” ani Cabading.

Iginiit ni Cabading na inaprubahan lamang niya ang paglalabas ng P25 milyon para sa PhilHealth IT items, subalit inaprubahan umano ni Morales ang hiwalay na P302 milyong “supplemental budget” para sa IT-related purchases.

Ilang buwan kinalaunan, inaprubahan naman ni Morales ang isa pang P750 milyon para rin sa IT expenses, dagdag ni Cabading.

There were items in the budget not approved by DICT (May mga items sa badyet na hindi inaprubahan ng DICT),” giit nito.

Gayunpaman, pinanindigan ni Morales sa harap ng mga senador na walang anomalya sa IT badyet ng PhilHealth.

I don’t think there was an irregularity (Sa tingin ko walang iregularidad),” diin ni Morales.

Dagdag pa niya, “I think it was a matter of explaining to the board… because information technology is a very complicated system (Sa tingin ko dapat ipaliwanag lang ito nang maayos sa board… dahil kumplikadong sistema ang information technology),” sabay sabing ang mga iprenesentang mga dokumento ni Cabading ay pawang budget proposals lamang at hindi kontrata.

Subalit, pinagalitan ni Senador Panfilo Lacson ang pangulo ng PhilHealth dahil masyado umanong lantaran ang mga iregularidad.

Ang pagsisiwalat ni Cabading ay hindi umano ang unang beses na may naiulat na iregularidad sa IT budget ng PhilHealth.

Naunang napag-alaman ng Commission on Audit (COA) na ninais ng PhilHealth na bumili ng 15 na “catalyst switches” sa halagang P4.81 milyong, habang nasa P939,360 lamang ang market price nito umano.

Ayon kay Lacson, nawalan ng P3.87 bilyon ang pamahalaan.

Bukod sa overpricing, napag-alaman din ng COA na may 24 units pa ng naturang switches ang ahensya na hindi pa nagagamit, dagdag ng senador.

“Ganito kalaki ‘yung overprice pero hindi natatakot na mabuko,” giit ni Lacson.

Dagdag pa nya, “Masyadong blatant, masyadong brazen”.

Pinunit umano ni PhilHealth senior vice president retired Brig. Gen. Augustus de Villa ang anim na pahina ng isang procurement document dahil alam niyang maanomalya ito, ayon naman sa dating agency officer na si Thorrsson Montes Keith said.

Subalit, naroon pa raw ang nasabing dokumento ayon kay De Villa.

“Nung time na ‘yun sir nun wala po akong natatandaan na pinunit pero tinago ko po kasi I was informed by Col. (Etrobal) Laborte na mataas nga raw ang presyo. So sabi ko pagka ganyan medyo malabo ‘yan,” wika ni de Villa.

Dagdag pa niya, “In my 30 years of military service, napakaingat ko po sa ganyan. I never allow that. Di ko pa naman time nung bidding nyan. I’m only 9 months in PhilHealth.”

Hiniling naman ni Sen. Panfilo Lacson sa Senate Committee of the Whole na maghain ng subpoena para sa nasabing dokumento, na sinang-ayunan naman ni Senate President Vicente Sotto III.

Ang Senate investigation para sa mga umano’y iregularidad ng PhilHealth ay isinagawa habang tinitingnan ng mga mambabatas ang pag-amyenda sa batas na gumawa sa ahensya, upang masugpo ang katiwalian dito.

LATEST

LATEST

TRENDING