Nagbabala ang World Health Organization (WHO) noong Agosto 1 na posibleng “magtagal pa” ang Covid-19 pandemic matapos magpulong ang emergency committee nito para i-evaluate ang krisis matapos ang anim na buwan.
Poisble rin umanong magkaroon ng “response fatigue” ang mga bansa sa ginagawang pagtugon sa pandemiya.
Nagpulong ang panel noong Hulyo 31 sa ikaapat na beses ngayong panahon ng pandemiya, anim na buwan matapos itong ideklara ng WHO bilang public health emergency of international concern (PHEIC) – ang pinakamataas na antas ng alarm ng WHO.
“WHO continues to assess the global risk level of Covid-19 to be very high (Patuloy na itnuturing ng WHO ang global risk level ng Covid-19 na masyadong mataas),” giit ng ahensya.
Tinatayang 680,000 katao na ang nasawi at 17.6 milyon na ang nahawa simula noong madiskubre ang coronavirus sa China noong Disyembre 2019.
Nakasundo ang panel, na kinabibilangan ng 17 na miyembro at 12 na advisers, na PHEIC pa rin ang Covid-19 pandemic.
Maraming mga bansa ang nagpatupad ng mahigpit na lockdown para masugpo ang maglaganap ng coronavirus.
Iminugkahi ng komite sa WHO na magbigay ng maayos na guidance sa Covid-19 management “to reduce the risk of response fatigue in the context of socio-economic pressures (para mabawasan ang tsansa ng response fatigue bunsod ng socio-economic pressures)”.
Hinimok din ng komite ang WHO na suportahan ang mga bansa sa paghahanda nito ng mga gamot at bakuna. Iminungkahi rin sa WHO ang pagpapabilis sa research tungkol sa mga bagay na hindi pa nalalaman ukol sa coronavirus, tulad ng animal source ng sakit at potential animal reservoirs.
Magpupulong muli ang komite sa loob ng tatlong buwan.
Ayon naman kay WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus, magiging pangmatagalan ang epekto ng pandemiya.
Aniya, “The pandemic is a once-in-a-century health crisis, the effects of which will be felt for decades to come (Ang pandemiya ay isang once-in-century na krisis pangkalusugan, at ang mga epekto nito ay mararamdaman sa mga darating pang dekada).”
Nagbabala ang komite sa mga bansa na ihanda ang kani-kanilang sistemang pangkalusugan para marespondehan ang seasonal influenza at iba pang disease outbreaks bukod sa Covid-19.