Hindi required ang pagsusuot ng face shields, subalit mariin inirerekomenda, ayon sa mga opisyal noong Hulyo 31.
Sa taped address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa taumbayan na inere noong Hulyo 31, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang pagsusuot ng face shields ang magiging ikaapat na minimum health standard na kabahagi sa mga “kondisyon” sa pagpapanatili ng Metro Manila at Calabarzon sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) bagama’t tumataas ang bilang ng Covid-19 cases.
Aniya, “Ito ang hugas kamay, suot ng mask, at social distancing. At pagsuot na rin po ng face shield”.
Gayunpaman, hindi binanggit sa huling inilabas ng resolusyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang paggamit ng face shields.
Nang tanungin para sa klaripikasyon, sinabi ni Roque na “inirerekomenda” lamang ito.
Sumang-ayon din dito si Trade Secretary Ramon Lopez subalit iginiit na posibleng ipabilang ito sa mga panuntunan ng IATF.
Ayon sa kalihim, ang paggamit ng face shields bukod sa face masks ay makapagtataas ng proteksyon sa 90 percent, dahil ang coronavirus ay naipapalaganap sa pamamagitan ng respiratory droplets.
“Hindi pa po ‘yan nire-require ngayon pero baka in the future ay ma-require na natin kung kakailanganin pa natin ng extra protection. Sa ngayon po we will just encourage ang pagsusuot ng face shield. Umpisahan na natin,” wika ni Lopez.