Bumuwelta ang Malacañang sa mga kritiko ng pamahalaan noong Hulyo 28 at idiniing hindi pa nakakaalarma ang bilang ng Covid-19 cases sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang forecast ng University of the Philippines na magkakaroon ng 3.5 milyong Covid-19 cases sa bansa ay naisakatuparan sana kung naging palpak ang pagtugon ng pamahalaan sa pandemiya. Marami umanong mga magpopositibo pa bunsod ng paglalawak sa Covid-19 testing sa bansa.
Aniya, “Ano ba naman ang gusto ninyo pa? Alam ko po oposisyon kayo, pero sa panahon ng pandemya hindi po natin kinakailangan na pinupulitika”.
Tinanong si Roque para magbigay ng reaksyon sa naging pahayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na naging palpak aniya ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa paghawak nito sa pandemiya, na nakapagdulot na ng mahigit 82,000 cases sa bansa.
Binigyang diin din ni Drilon ang patuloy na pagtaas sa bilang ng mga kaso at ang “kawalan ng kredibilidad” umano ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III.
Sinubukan naman ni Roque na pawiin ang mga pangamba sa pagsasabing kaunti lang ng mga nahahawang tao ang itinuturing na severe case o malalang kaso. Hindi raw aabot sa 10% ng mga nagpositibong pasyente ang malalang kaso habang ang case mortality rate ay nasa dalawang porsyento lamang.
“Hindi naman po dapat ikabahala nang tuluyan itong numerong ito,” giit ng tagapagsalita ng pangulo.
Dagdag pa niya, “While our total number of cases is already 80,000 more or less, the (number of deaths) is less than 2,000 (Bagama’t tinatayang 80,000 na ang mga kaso, nasa 2,000 lamang ang mga namamatay)”.
Sinabihan din ni Roque ang mga kritiko na alamin ang pagkakaiba ng DOH at IATF.
“DOH is just one of the agencies that are part of the IATF. The IATF employs the whole-of-government approach. They are not politicians, most of them are civil servants, undersecretaries level, career officials (Isa lamang ang DOH sa mga ahenysang kabahagi ng IATF. Ang IATF ay nagpapatupad ng ‘whole –of-government approach’. Hindi sila mga pulitiko, karamihan sa kanila ay mga kawani, undersecretaries level, career officials) ,” paglilinaw ni Roque.
Bukas din umano ang gobyerno sa mga mungkahi, kahit ito ay mula pa sa oposisyon, kung paano papagbutihin ang Covid-19 response
“We thank Sen. Drilon because he voted in favor of the (Bayanihan) We Heal as One Act. Nobody objected to that. Perhaps if he can think of other ways, after all that’s the job of lawmakers, to craft policy, we can look into that (Nagpapasalamat kami kay Sen. Drilon sa pagboto pabor sa Bayanihan We Heal as One Act. Walang tumanggi rito. Kung makapag-iisip siya ng iba pang mga paraan, dahil kabahagi naman ito ng kanyang tungkulin bilang mambabatas, ikokonsidera natin ito),” ani Roque.
Dagdag pa, “If there are good ideas, we are open to that. We don’t turn a deaf ear to anyone. We listen to everyone including critics and we consider their views in the decision-making process (Kung may magagandang ideya, bukas kami rito. Hindi kami magbibingi-bingihan. Papakinggan namin ang lahat maging mga kritiko sa proseso ng pagpapasya)”.