SONA ni Duterte, ‘9 out of 10’ kay Roque bagama’t nakatulog sa gitna ng talumpati

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Presidential Spokesperson Harry Roque

Binigyan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ng halos perperktong iskor si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglalahad ng kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27, bagama’t maraming ipinangakong usapin ang hindi natalakay.

Giit ni Roque, “Alam niyo po kayo, bago na ‘yung format ng SONA natin”.

“Meron po tayong pre-SONA na tinatawag, kung saan ‘yung mga detalye ay sinabi na ng mga kalhim ng iba’t ibang departamento. Ang kay presidente lang po, is talagang ‘yung direksyon at ‘yung mga broad strokes. Hindi na po ‘yung mga detalye,” dagdag pa niya.

9 out of 10 ang markang ibinigay ni Roque kay Duterte. Ito ay kahit na nakatulog ang tagapagsalita ng pangulo habang nagtatalumpati ang presidente.

Aniya, “So sa akin po, 9 out of 10 ang grado ng presidente”.

Dahil dito, hindi ito pinalagpas ng mga netizens at naglipana ang iba’t-ibang memes ni Roque sa social media buhat ng pagkakatulog niya habang nasa kalagitnaan ng SONA.

Sa unang limang minuto ng SONA, bumirada agad ang pangulo sa ABS-CBN at kay Senador Franklin Drilon at idiniing “casualty” umano siya ng pamilya Lopez na nagmamay-ari ng ABS-CBN. Sa talumpating nagtagal ng isang oras at 40 minuto, walan namang nabanggit tungkol sa Covid-19 recovery roadmap, na ipinangako ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar.

Ilan sa mga nabanggit ni Duterte sa kanyang SONA ay ang paghimok sa Kongreso na ibalik ang parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection, pagganda ng credit ratings ng Pilipinas, benepisyong pang-ekonomiya ng “Build, Build, Build”,  P66-bilyong agricultural stimulus funds at iba pa.

Ikinuwento rin ng pangulo na nakiusap siya kay Pangulong Xi Jinping ng China na ipabilang ang Pilipinas sa mga unang bansang makatatanggap ng bakuna kontra Covid-19 kung matuklasan na ito ng mga Chinese.

Hinggil naman sa usaping ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea, inamin ni Duterte na “inutil” siya pagdating dito at wala na umanong magagawa pa para lutasin ang naturang suliranin.

Pagdating naman sa pondong gugugulin sa pagtugon sa pandemiya, hinikayat ni Duterte ang mga mambabatas na ipasa na ang “Bayanihan to Recover as One Act” o Bayanihan 2. Wala namang sinabi ang pangulo tungkol sa P1.3-trilyong Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy of the Philippines (ARISE) bill at sa P1.5 trilyong infrastructure spending bill.

Sa parehong talumpati, nagbabala rin si Duterte sa mga telecommunications companies sa bansa na ipasasara niya ito kung hindi aayusin ang serbisyo bago mag Disyembre.

LATEST

LATEST

TRENDING