Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang miyembro ng Gabinete na tiyaking magagamit ng pamahalaan ang untapped television frequencies.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), sinabi ng pangulo na mapapahintulutan ng hakbang na ito ang pamahalaan na mas malawakang iimplementa ang online learning, sabay giit na hindi niya papayagan ang face-to-face classes hangga’t wala pang bakuna kontra Covid-19.
“TV frequencies reverted back to government for whatever cause or reason shall not be used exclusively to the exclusion of other persons or dummies to cope up with the demand of the next normal (Ang TV frequencies na ibinalik sa pamahalaan sa anumang kadahilanan ay hindi maaaring gamitin nang eksklusibo para matugunan ang demand sa ‘next normal’),” ani Duterte.
Inatasan ni Duterte ang mga kalihim ng Communication and Information, Science and Technology, Education, Finance, at Budget and Management na tiyaking maisasakatuparan ang proyekto sa lalong madaling panahon.
Aniya, “It shall be the government who should be given the first option to utilize them (Dapat bigyan ng unang opsyon ang pamahalaan para gamitin ito). Ang sobra sa kanila”.
Naunang sinabi ng isang mambabatas ngayong buwan na dapat pakinabangan ng pamahalaan ang television at radio frequencies ng ABS-CBN.
Sinabi ni Deputy Speaker Luis Raymond “LRay” Villafuerte Jr, na isa sa mga 70 na kongresistang tumanggi sa ABS-CBN franchise renewal, na naghain siya ng resolusyon para temporaryong magamit ng pamahalaan ang mga nabakanteng frequencies ng ABS-CBN.
Hindi naman nito ipinaliwanag kung paano gagamitin ang mga nasabing frequencies — kung magtatatag ng transmitters sa buong bansa o babayaran ang network sa paggamit ng mga transmitters nito.