Inasatan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 27 ang Commission on Higher Education (CHED) na magbigay ng scholarship programs para sa mga mag-aaral ng overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan sa pananalasa ng Covid-19 pandemic.
“I am also calling on the CHED for scholarship programs for the qualified dependents of our OFWs (Nananawagan din ako sa CHED na magbigay ng scholarship programs para sa mga kwalipikadong estudyante ng ating OFWs),” ani Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).
Naunang iminungkahi naman ni CHED Chairman Prospero de Vera III sa mga senador ang implementasyon ng voucher system na magpapahintulot sa mga mag-aaral ng OFWs na makapag-aral bagama’t nahaharap sa hamong pang-ekonomiya bunsod ng pandemiya.
Karamihan sa mga kolehiyo at unibersidad ang nakatakdang magpatupad ng flexible learning sa parating na academic year habang suspendido pa rin ang in-person classes dahil sa banta ng coronavirus.
Ang pagbubukas ng mga higher education institutions (HEIs) ay nakadepende sa kani-kanilang learning delivery mode, kung saan ang mga magpapatupad ng flexible learning ay maaari nang magbukas sa Agosto.