Nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) sa pamahalaan noong Hulyo 26 na maging transparent ito sa pag-uulat sa sitwasyon ng Covid-19 sa mga kulungan at detention facilities matapos maiulat ang pagkasawi ng ilang persons deprived of libery (PDLs) bunsod ng nakamamatay na sakit.
Sa isang pahayag, iginiit ng CHR na ang pagbubunyag ng impormasyon sa pagkamatay ng mga PDLs ay makatutulong sa paggawa ng mga palisiya na makakapigil sa pagkakaroon ng mga pagkamatay sa loob ng mga kulungan at detention facilities.
“In light of reported deaths of PDLs while in prisons and detention facilities, CHR calls for transparency and openness from the government in reporting the situation of PDLs in the country (Alinsunod sa mga naiulat na mga pagkamatay ng PDLs sa loob ng mga kulungan at detention facilities, nananawagan ang CHR para sa transparency mula sa pamahalaan sa pag-uulat ng sitwasyon ng mga PDLs sa bansa),” pahayag ng komisyon.
Ayon sa CHR, hindi pa raw ito nakatatanggap ng tugon mula sa Department of Justice (DOJ) matapos itong humigi ng listahan ng mga pasyenteng naka-confine sa Site Harry, ang quarantine facility ng Bureau of Corrections (BuCor). Humingi rin ang CHR ng listahan ng PDLs mula sa departamento, na nasa sa ibang quarantine o isolation areas, at PDLs na nasawi dahil sa Covid-19.
“Cases of COVID-19 in different detention facilities continue to be a cause for concern and may be seen as an indication that protocols and initiatives must be improved to curb the spread of the virus among PDLs (Ang mga kaso ng Covid-19 sa iba’t-ibang detention facilities ay patuloy na pinangangambahan at indikasyon itong dapat paigiting ang mga protocols at hakbang dito para masugpo ang paglaganap ng coronavirus sa mga PDLs),” ani CHR.
Iginiit din ng CHR ang kapangyarihan nito sa ilalim ng Saligang Batas na magsagawa ng pagbisita sa mga jails, prisons, at detention facilities.
“This is a mandate that should not be ignored, especially by BuCor, [Bureau of Jail Management and Penology], as well as DOJ and the Department of the Interior and Local Government, for the sake of thousands of PDLs whose lives are at stake with the continuing risks of rampant infection (Ito ay mandatong dapat hindi tanngihan lalo na ng BuCor, BJMP, DOJ, at DILG, para sa kapakanan ng libu-libong PDLs na nahaharap sa banta ng impeksyon),”wika ng CHR.
Inilabas ng komisyon ang pahayag matapos ipabalitang nasawi ang ilang high-profile inmates, kabilang na si Jaybee Sebastian, sa New Bilibid Prison (NBP) dahil umano sa Covid-19.
Naunang sinabi ng BuCor na 18 inmates mula sa NBP at Correctional Institution for Women ang binawian ng buhay dahil sa Covid-19, subalit hindi ibunyag ang kanilang identidad alinsunod aniya sa Data Privacy Act.
Ayon naman sa National Privacy Commission, hindi magagamit ang Data Privacy Act tungkol sa impormasyon ng mga pampublikong personalidad katulad ng high-profile inmates — isang komentong inulit ng CHR sa kanilang pahayag.
Ibinalita rin ng CHR na batay sa datos noong Marso 2020, ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ay may 534% prison congestion rate, habang ang BuCor naman batay sa datos noong Disyembre 2019 ay may 302% congestion rate.