Patuloy na pinagkakatiwalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pinuno ng Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) bagama’t nababalot ng mga alegasyon ng katiwalian at iregularidad ang dalawang ahensya, ayon kay Senador Bong Go.
Aniya, “Nabanggit niya sa akin (Duterte) na malaki ang tiwala niya kay Gen. Morales sa kaniyang integridad kaya lang ‘yung mga tao sa baba kailangan tingnan mabuti”.
“Pero ‘pag napatunayang mayroong corruption, I am sure heads will definitely roll,” dagdag pa ni Go.
Inaasahang magiging laman ng mga imbestigasyon ng Senado sa susunod na linggo sina DOH Secretary Francisco Duque III at PhilHealth Gen. Ricardo Morales. Wala naman din aniyang planong palitan si Duque bilang kalihim ng DOH.
“Si Pangulo nandiyan pa din yung tiwala niya kay Sec. Duque,” wika ng senador.
Ang pagtatalaga raw ng mga miyembro ng Gabinete at dating opisyal ng militar bilang czars sa laban kontra Covid-19 ay hindi indikasyon sa estado ng kumpiyansa ni Duterte kay Duque.
“Mahirap magpalit ng kapitan sa gitna ng gerang ito kaya pinatulungan niya na sa 3 military generals kasi gera po ito,” ani Go.
Dagdag pa, “Hindi po kakayanin ni Sec. Duque… Nakikita niya sa meetings na overloaded na si Sec. Duque”.
“Kahit sinong secretary of Health hindi kakayanin ito mag-isa,” giit ni Go.
Nanawagan naman ang ilang senador para sa pagbibitiw ni Duque bilang pinuno ng DOH matapos umanong pumalpak ang ahensya sa pag-flatten ng Covid-19 curve ng bansa bagama’t isa ang Pilipinas sa mga sumailalim sa pinakamahabang lockdown sa buong mundo.
Tinuligsa rin ng ilang mambabatas ang kalihim matapos nitong sisihin ang kanyang staff para sa pagkukulang ng ahensya sa contact tracing at stockpiling ng mga suplay kontra Covid-19.
Binigyang diin naman ni Go, na siyang chairperson ng Senate Committee on Health, na irerekomenda niya ang pagpapatalsik sa ilang health officials kung mapapatunayang sangkot ang mga ito sa mga iregularidad sa gobyerno.
Aniya, “Paano natin matutulungan ang ating kapwa Pilipino na may sakit kung kayo mismo hindi niyo kaya pagalingin ang sarili ninyong problema sa loob ng PhilHealth?”
“Tingin ko nasa baba yung problema. Kahit ilang beses magpalit ang Pangulo ng board members diyan… kung nasa baba ang problema at katiwalian, walang mangyayari,” dagdag pa niya.