Opisyal ng Malacañang, humingi ng pag-unawa sa pagdagsa ng LSIs sa Rizal Memorial Stadium

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: James Roy Dusaban

Umapela ang isang opisyal ng Malacañang para sa pag-unawa ng publiko habang libu-libong katao ang naghihintay sa Rizal Memorial Sports Complex noong weekend para makauwi sa kani-kanilang mga lalawigan.

Makikita sa mga nag-viral na mga larawan na dikit-dikit at walang physical distancing sa loob ng stadium.

Ayon kay Assistant Secretary Joseph Encabo ng Presidential Management Staff, ang mga locally stranded individuals (LSIs) ay dinala sa stadium para mabigyan ng mas kumportableng matutuluyan sa halip na maghintay ang mga ito sa lansangan.

Si Encabo ang lead convenor ng “Hatid Tulong,” isang transport assistance program para sa mga LSIs na ipinatutupad ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon sa ahensya, tinatayang nasa 8,000 LSIs ang natakdang umalis sa Kalakhang Maynila pauwi sa kanilang mga lalawigan sa ilalim ng programa.

Umani ng batikos ang naglipanang mga larawan ng libu-libong LSIs sa stadium dahil sa kawalan ng physical distancing at ang iba pa sa mga ito ay wala pang suot na face masks.

Kabilang sa mga LSIs na dinala sa Rizal Memorial ayon kay Encabo ay mga buntis, senior citizens at mga bata.

We know that if ever we violated the issue of social distancing, we also need to show sympathy and understanding and care for our fellow Filipinos so that they could wait comfortably for their trips [back home] (Alam namin na kung nilabag namin ang social distancing, kailangan din nating magpakita ng simpatya sa mga kababayan natin para kumportable silang maghintay bago makauwi),” giit ni Encabo.

Dagdag pa niya, “We hope the public understands that what the (Sana maunawaan ng publiko na ang ginawa ng) Hatid Tulong Technical Working Group did was a decision, a collective decision, to provide order and proper temporary shelter while they are waiting for their [return] home (ay kolektibong pagpapasya para mabigyan ng pansamantalang matutuluyan ang mga kababayan natin habang naghihintay na makauwi)”.

Ayon naman kay DILG Secretary Eduardo Año, inutusan na niya ang Philippine National Police (PNP) para striktong iimplementa ang Covid-19 protocols sa loob ng stadium.

The PNP and other marshals are now segregating the LSIs to impose physical distancing. Wearing of mask is a must (Pinangangasiwaan na ng PNP at iba pang marshalls ang pagkakaroon ng physical distancing at pagsusuot ng face mask),” ani Año.

Sumailalim na rin umano ang mga LSIs sa medical examination at rapid testing. Ang mga pasaherong nagnegatibo ay bibigyan ng travel authority para makauwi na sa kani-kanilang mga lalawigan.

Ang mga nagpositibo naman ay ilalagay sa isolation center para i-swab test. Papayagan lamang silang makauwi kung sila ay magnegatibo na sa Covid-19.

Inutusan naman ng DILG ang mga lokal na pamahalaan na tanggapin ang mga LSIs dahil sumailalim na umano ang mga ito sa rapid testing at may dala ring medical certificates at travel authorities.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, sasailalim din sa quarantine ang mga LSIs pati na sa swab testing sa pagdating nila sa kanilang destinasyon.

LATEST

LATEST

TRENDING