Kilos-protesta, tuloy ang pag-arangkada sa SONA ni Duterte

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Renato Reyes (@natoreyes)

Magpapatuloy ang kilos-protesta sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, Hulyo 27, bagama’t ipinagbabawal ang mass gatherings dahil sa Covid-19 pandemic.

Ang mga dadalo sa rally ay dapat magsuot ng face masks at mag-obserba ng physical distancing sa SONAgKAISA, na gaganapin sa UP Diliman sa Quezon City, mula 10 a.m. hanggang 12 p.m., ayon kay Renato Reyes Jr., secretary-general ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN).

Dagdag pa ni Reyes, “Hindi maaaring gamitin ang IATF (Inter-Agency Task Force) guidelines para balewalain ang ating constitutional rights. Kakasuhan namin ang mga pulis na makikialam o manggugulo sa mga mapayapang pagtitipon bukas”.

“Mas maayos pa ang physical distancing ng mga nasa rally kesa sa ginagawa ng gobyerno sa mga kawawa nating kababayan sa Rizal Coliseum,” giit nito.

Ipinahayag naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga magpoprotesta na huwag ikompromiso ang kalusugan at kapakanan ng taumbayan dahil ang mga malawakang pagtitipon umano ay “a high risk” para sa virus transmission.

While we agree that the public has the right to peacefully assemble for the redress of grievances, we are in the middle of a global pandemic, and such assemblies are subject to reasonable regulation of the authorities to protect public health and the general welfare (Bagama’t sang-ayon kami sa karapatan ng publiko na magprotesta, nasa gitna tayo ng pandemiya, at ang mga ganitong pagtitipon ay kailangan ng regulasyon mula sa mga awtoridad para maprotektahan ang kalusugan at kapakanan ng lahat),” ani DILG Undersectretary Jonathan Malaya.

Samantala, ayon naman kay Reyes, ilan sa mga isyung kanilang ipoprotesta ay ang kapalpakan umano ng gobyerno na tugunan ang pandemiya; kakulangan ng ayuda; pagbibigay prayoridad sa pagpasa ng anti-terror law at ABS-CBN shutdown; at ang pagiging sunudsunuran ng pamahalaan sa China at Estados Unidos.

Aniya, “Makatwiran ang pagprotesta sa harap ng lansakang panunupil sa ating karapatan. Galit ang mamamayan sa mga patakaran ng gobyerno at patong-patong na mga kasalanan nito sa mamamayan”.

Tampok naman umano sa protesta ang isang virtual effigy.

“Tampok sa diorama ng SONA rally ang pagkakaisa ng mamamayan habang sinusunog ang Veerus sa Malacanang,” paliwanag ni Reyes.

Samantala, magpapatupad naman ng maximum tolerance ang kapulisan sa mga raliyista ayon kay Lt. Gen. Guillermo Eleazar ng Joint Task Force against Covid-19.

“Nakahanda na po ang ating kapulisan. Nagbigay ng direktiba ang ating chief PNP para dun sa maximum tolerance, even though talagang may guidelines na ipinatutupad ngayon,” giit ni Eleazar.

Dagdag pa niya, “Ang ating panawagan sa ating mga kababayan na intindihin ang pulis na nagpapatupad ng panuntunan na galing sa IATF. Ating panawagan na maging maayos, maging mahinahon ang mga gagawing kilos protesta o activities, at sana sang-ayon sa guidelines ng IATF.”

LATEST

LATEST

TRENDING