Taliwas sa mga espekulasyon na tumakas mula sa New Bilibid Prison ang high-profile inmate na si Jaybee Sebastian, ilang inmates at kanilang mga pamilya ang naniniwalang pinatay ito at hindi nasawi dahil sa Covid-19.
Ayon kay Magda, hindi tunay na pangalan, nagulat siya at iba pang mga kaanak ng detainees nang malamang naiulat na nasawi si Sebastian dahil sa Covid-19 noong Hulyo 18.
“Hindi po kami makapaniwala,” ani Magda.
Dagdag pa niya, “Actually, kasi alam po namin na maayos po si Sir Jaybee.”
Ang kaanak ni Magda sa Tonyo, hindi rin tunay na pangalan, ay nagpositbo sa Covid-19 kasama ni Sebastian. Sila ay magkakasama kabilang ang iba pang infected na inmates hanggang sa huling araw nito sa quarantine.
Ayon kay Magda, si Tonyo, Sebastian, at iba pang high-profile inmates ay sumailalim sa RT-PCR testing noong Hunyo 17, at natanggap ang positibong resulta matapos ang tatlo hanggang limang araw. Sila ay isinailalim sa isolation sa loob ng kani-kanilang mga selda.
Pagkatapos ng dalawang linggo, ang mga Covid-19 positive inmates ay inilipat sa Site Harry, ang isolation facility sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Iginiit ni Magda na hindi ipinagbigay-alam ng mga awtoridad ang sitwasyon ng kanilang mga mahal sa buhay. Nalaman lamang nila at ng iba pang pamilya ang balita tungkol sa mga infected inmates mula sa kanilang “intel”.
“Meron po kaming kaibigan sa loob na nagsasabing maayos na po silang lahat. Asymptomatic nga raw po e dahil wala naman pong nararamdaman,” giit ni Magda.
Ayon kay Magda, bagama’t nagpositibo sa nakamamatay na sakit ang kanyang kaanak, pinayagan pa rin itong umattend ng pagdinig sa Building 1 bago lumabas ang test results nito.
Nagduda pa nga raw si Magda kung nahawa nga ba si Tonyo dahil hindi naman nababahala ang kanyang escorts sa kondisyon ng pasyente.
Aniya, “Naka-mask po pero hindi naman po all the time nakasuot.Actually, no’ng naghi-hearing nga… ‘yung guards niya, ‘yung escort niya wala namang mask e.”
Ayon sa impormasyon ng kanilang intel, dumalo rin sa naturang meeting sa Building 1 si Sebastian bagama’t dapat itong naka-isolate. Hindi naman malinaw kung tungkol saan ang ginanap na meeting.
Aktibo aniya si Sebastian kahit naka-quarantine at nakipagkita pa nga sa kanyang abogado, ilang araw bago ito pumanaw.
“Siya (lawyer) po ‘yong nakakita, sabi niya nga po, si Sir Jaybee, ‘he was very healthy, he was lively.’ Masaya na po si Sir Jaybee kasi ibabalik na po siya sa Building 14,” pahayag ni Magda.
Sa Hulyo 18 nang umaga, dumating ang van na walang plaka at dinala si Sebastian sa Bilibid Hospital para i-swab test para makumpirmang gumaling na ito sa Covid-19 dahil naunang nakakuha na ito ng negatibong rapid test result.
Sinundan umano ang van ng asawa at abogado ni Sebastian.
“No’ng pumasok na po ‘yong van sa loob ng NBP, after a few minutes, tumawag na po ‘yong hospital sa wife na dead on arrival na po si Sir Jaybee,” wika ni Magda.
Dagdag ni Magda, “Sobrang nakakagulat po kasi alam naming lahat and lahat po ng intel namin nagsasabi na maayos po sila doon. Masigla po silang lahat. Wala pong may lagnat, may ubo or kahit anong symptoms ng COVID.”
Kumbinsido si Magda na hindi Covid-19 ang ikinamatay ni Sebastian.
“Siguro tinrabaho sila. Pare-pareho po ang kinahinatnan: myocardial infarction due to COVID, which is alam naman po naming lahat na maayos po ang family namin na PDL sa loob,” giit ni Magda.
Ayon kay Magda, matagal nang target si Sebastian.
Noong 2016, sinaksak si Sebastian kabilang ang tatlo pang high-profile inmates na sina Tony Co, Peter Co at Vicente Sy.
Namatay si Tony Co, habang nakaligtas naman sina Sebastian, Peter Co at Sy.
Inilarawan ni Magda si Sebastian bilang mabait na lider.
Aniya, “Lahat po sumusunod sa kanya kaya ganyan nangyari sa kanya. Sa kanya nagko-consult halos lahat ng kasama niya.”
Itinuturo naman ng mga inmates at kanilang mga pamilya si Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag bilang nasa likod sa pagkamatay ni Sebastian at iba pang high-profile inmates.
“Dahil ito pong si Director Bantag ay nangako kay President Duterte na lilinisin niya ang Bilibid bago siya umalis,” paliwanag ni Magda.
Itinanggi naman ng BuCor na ginagamit nilang dahilan ang pandemiya para patayin ang mga high-profile detainees. Ayon sa tagapagsalitang si Gabriel Chaclag, Covid-19 ang ikinamatay ng mga ito at nakasulat pa ito sa kanilang death certificates. Dokumentado rin aniya ito mula isolation hanggang cremation.
Wika ni Chaclag, “Ma’am, ang COVID-19 ay wala pong pinipili. At napakaimposible po ang ganyang haka-haka kasi marami tayong partners na palaging nagbi-visit sa ating mga facilities.”
Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Bantag tungkol sa mga paratang laban sa kanya.
Samantala, nangangamba naman ang iba pang inmates at kanilang mga kaanak ayon kay Magda.
Aniya, “Napakasakit kasi hindi niyo po alam kung anong pinagdadaanan naming lahat. ‘Yung takot po, ‘yung pangamba na baka bukas ba or sa mga susunod na araw, makakasama pa ba namin ‘yung pamilya namin?”