Duterte, paiimbestigahan ang katiwalian sa PhilHealth

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Ang patuloy na mga isyu ng katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay nag-udyok sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng imbestigasyon, ayon sa Malacañang noong Hulyo 24.

“Pinakinggan po ang lahat at ang naging conclusion ay isang maigting na imbestigasyon ang gagawin,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ito ay matapos magbitiw sa puwesto ang tatlong opisyal ng PhilHealth dahil sa aniya’y talamak na kurapsyon sa ahensya.

Ayon sa mga ulat, naging mainit umano ang palitan ng argumento sa PhilHealth executive committee meeting dahil sa pagkakadiskubre ng mga kurapsyon sa ahensya na nag-udyok sa tatlong opisyal na bumaba sa puwesto.

Sa inilabas na pahayag noong Hulyo 24, kinumpirma na na nag-resign ang head executive assistant na si Etrobal Laborte. Samantala, hindi pa naman umano natatanggap ang resignation letter ni Thorsson Montes Keith, anti-legal fraud officer ng ahensya.

“Mariing tinanggihan” naman aniya ni corporate legal counsel Roberto Labe Jr. ang mga bali-balita sa kanyang resignasyon.

Natanggap naman ni Roque ang resignation letter ni Keith na binanggit ang “talamak na katiwalian sa PhilHealth” bilang isa sa mga rason kung bakit ito nagbitiw sa puwesto.

Hinikayat naman ni Roque si Keith na makipagkooperasyon sa tanggapan ni Duterte sa pagsasabi ng totoo ukol sa mga naibabalitang katiwalian sa PhilHealth.

Aniya,  “Nananawagan ako sa kanya, ngayong mayroon ng pormal na imbestigasyon, sana makipagtulungan na lang siya, bagama’t siya po ay nag-resign na, para matigil na once and for all ang corruption diyan sa PhilHealth”.

Dismayado naman ang tagapagsalita ng pangulo sa aniya’y kapalpakan ni PhilHealth president at chief executive officer Ricardo Morales para tugunan ang mga iregularidad ng ahensya. Naniniwala si Roque na sangkot ang ilang matataas na opisyal ng PhilHealth sa katiwalian ng ahensya.

“Ang aking conclusion diyan talaga, may sindikato talaga at ito po iyong pinakamatataas na career executives diyan sa PhilHealth. Hindi naman po lahat, hindi natin nilalahat,” giit ni Roque. 

LATEST

LATEST

TRENDING