Isang buwan bago ang opisyal na pagbubukas ng klase, ipinahayag ng Department of Education (DepEd) na puspusan ang ginagawang preparasyon ng ahensya para rito.
Bagama’t ilang mga mag-aaral at guro ang nanawagang i-postpone muna ang pasukan sa dulo ng taon o sa pag-uumpisa ng susunod na taon dahil sa kawalan ng kahandaan sa blended learning, walang rasong nakikita ang DepEd para iantala pa ang pagbubukas ng pasukan.
“According to our timeline, everything is on track. So we are really confident na by August 24 (Base sa aming timeline, naaayon sa oras ang lahat ng preparasyon. Kaya buo ang tiwala namin na sa Agosto 24), yung mga needs so that we can deliver basic education services would be really available sa mga paaralan,” ani DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio.
Nilagdaan din kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang batas na nagpapahintulot sa kanyang ilipat o i-reschedule ang pagbubukas ng klase lagpas ng Agosto o tuwing may kalamidad.
Kahit na may mga reklamong natatanggap, ipinahayag ng DepEd na karamihan aniya ng mga guro, magulang, at mag-aaral ay sang-ayon sa pagbubukas ng pasukan sa Agosto.
“The dry runs are going on in the different field units (Patuloy ang dry runs sa iba’t-ibang field units), wala naman kami namomonitor na serious constraints o challenges na hindi nagawaan ng paraan,” giit ni San Antonio.
Mahigit 22 milyong estudyante, mula kinder hanggang high school, ang nagpa-enroll para sa darating na school year. 20.7 milyon sa mga ito ang nagparehistro sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay San Antonio, karamihan sa mga mag-aaral na ito ay nais ng modular learning na puwedeng digital o printed.
Samantala, pinangangasiwaan naman ng school divisions ang pag-reproduce ng mga modules o lessons na gagamitin sa unang quarter ng school year.
Nagtitiwala naman ang DepEd sa salita ng regional officers na matatapos ang lahat ng modules para sa distribusyon sa hudyat ng pagbubukas ng klase.
“It’s more complicated ‘pag centralized kasi ang laki laki ng i-po-produce mo, may logistics pa sa delivery at lahat so we decided that the first quarter modules would be essentially reproduced at the field units,” paliwanag ni San Antonio.
Ang bagong sistema ng pagtuturo sa darating na pasukan ay gagamit ng online, telebisyon, radyo, at printed lessons o learning materials.