Kamara, paiimbestigahan ang mga edited speeches ng pangulo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: ROBINSON NIÑAL JR. (PRESIDENTIAL PHOTO)

Nais paimbestigahan ng mga kongresistang kasapi ng Makabayan bloc ang kapasyahan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na i-edit ang ilang bahagi ng mga taped speeches ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inihain ang mga progresibong mambabatas noong Hulyo 23 ang House Resolution 1062 na mag-uutos sa House Committee on Public Information na magsagawa ng inquiry in aid of legislaton tungkol sa hakbang ng PCOO na “taliwas sa itinalagang mandato na siguraduhin ang transparency at buong paglalahad” ng mga salita ng pangulo at iba pang aktibidad na may kinalaman sa publiko.

Binanggit sa nasabing resolusyon ang naging talumpati ni Duterte sa harap ng Armed Forces of the Philippines sa Jolo, Sulu noong Hulyo 13. Binawasan ng sampung minuto ang edited version ng talumpati kung saan nagsalita ang pangulo laban sa ABS-CBN, ilang araw lamang matapos tanggihan ng komite ng Kamara ang pagbibigay ng panibagong prangkisa sa network.

Umani ng kaliwa’t-kanang batikos ang naging hakbang ng Kamara na itinuturing ng ilan na pagsupil sa malayang pamamahayag.

Ipinakita lamang sa bersyon na inere sa telebisyon ang pagsasabi ni Duterte na binuwag na niya ang isang oligarkiya nang hindi nagdedeklara nang batas militar.

Subalit, sa unedited speech, maririnig ang pangulo na tinutuligsa ang ABS-CBN dahil umano sa pagsira ng kanyang reputasyon ay pakikipagpatintero aniya ng network sa Diyos dahil sa mga paglabag nito.

Naunang itinanggi naman ng Malacañang na itinatago nito ang mga kritikal na impormasyon sa publiko. Wala umanong kautusan tungkol sa pag-edit ng mga talumpati ng pangulo bago ito iere sa publiko.

Samantala, binanatan din ng mga mambabatas ang Palasyo sa pagpapahintulot nito sa pag-ere ng mga taped speeches ng pangulo kahit dis oras na ng gabi sa halip na iere na lang ito nang live at unfiltered.

“[This] deprives Filipinos of their right to know, and further puts into question the credibility and transparency of the national government’s communication arms (Ito ay labag sa karapatan ng mga Pilipino na makakuha ng impormasyon, at mapapakwestyon na lamang tayo sa kredibilidad at transparency ng communication arm ng pamahalaang nasyonal),” giit ng resolusyon.

Ang miyembro ng Makabayan bloc ay sina Bayan Muna Reps. Carlos Zarate, Eufemia Cullamat at Ferdinand Gaite, Gabriela Rep. Arlene Brosas, ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro, at Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago.

Matapos paulanan ng pamumuna, iginiit naman ng Radio Television Malacañang na live at unedited ang pag-ere sa ikalimang SONA ng pangulo sa Lunes, Hulyo 27.

LATEST

LATEST

TRENDING