Naitala ang daan-daang mga nasawi sa Brazil at Mexico noong Hulyo 22 dahil sa Covid-19.
Umakyat sa 1,367 ang mga nasawi sa Brazil para sa kabuuang bilang na 81,487, ayon sa Health Ministry ng bansa. Nasa halos 2.16 milyon naman ang bilang ng mga nahahawa sa nakamamatay na sakit at mahigit 41,000 katao ang nagpopositibo rito araw-araw.
Sa mahigit 420,000 cases ng bansa, nananatiling pinakamalubhang napinsala ang lungsod ng Sao Paulo, ang pinakamataong lungsod ng Brazil.
Ang Brazil ang ikalawang pinakamalubhang bansang tinamaan ng pandemiya sa buong mundo at ito ang itinuturing na sentro ng Covid-19 outbreak sa Latin America.
Samantala, 915 na mga nasawi naman ang naidagdag sa Mexico para sa kabuuang bilang na 40,400, batay sa datos ng Health Ministry nito.
Pumalo na sa 356,255 ang kabuuang bilang ng mga Covid-19 cases na may karagdagang 6,859 sa nakalipas na 24 oras. 227,165 na mga pasyente naman ang gumaling na.
Sa buong mundo, 616,500 na ang binawian ng buhay dahil sa Covid-19 sa mahigit 188 na mga bansa.
Halos 15 milyong mga kaso na ang naiulat sa buong mundo at nangunguna sa dami ng Covid-19 cases ang mga bansang US, Brazil, India, at Russia, ayon sa Johns Hopkins University.
Mahigit kalahati naman o halos 8.46 milyon na ang gumaling sa buong mundo.