Ipinaliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kung mayroon mang dapat magreklamo tungkol sa umano’y pag-edit ng mga talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte, ito ay ang pangulo mismo.
Sinabi ito ni Roque matapos humingi ng paliwanag ang mga mamahayag at media advocates sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) kung bakit inedit aniya ang talumpati ng pangulo nang ito ay magsalita sa harap ng mga sundalo sa Jolo, Sulu.
Aniya, “Alam po ninyo kapag mayroon naman pong magrereklamo siguro dahil siya ay na-censor, ang Presidente mismo. So, iwan na lang po natin diyan iyan”.
Sa isang inilabas na taped speech ni Duterte sa harap ng mga sundalo sa Sulu, pati na rin ang opisyal na transcript nito, walang pagbabanggit tungkol sa isang pamilya nang pag-usapan ng pangulo ang tungkol sa pagbubuwag ng isang oligarkiya.
Wala ring sinabi tungkol sa ABS-CBN, na tinanggihan ng House Committee on Legislative Franchises na bigyan ng panibagong prangkisa noong Hulyo 10.
Subalit, isang unedited audio recording ng parehong talumpati ng pangulo ang lumabas kung saan naglalaman ito ng mga birada ni Duterte laban sa mga Ayala, pati na rin sa pamilya Lopez na nagmamay-ari sa ABS-CBN. Tinalakay din pangulo ang iba’t-ibang isyu tungkol sa network bagama’t itinanggi niyang may kinalaman siya sa pagpapasara nito.
“Yun namang ABS-CBN binaboy ako. Pero sinabi ko, kapag ako nanalo, bubuwagin ko ang oligarchy ng Pilipinas. Ginawa ko,” ani Duterte sa nasabing unedited audio recording.
Hindi naman nagbigay ng paliwanag ang tagapagsalita ng pangulo kung bakit ine-edit ng Malacañang ang mga talumpati ni Duterte.