Bubuksang muli ng House Committee on Constitutional Amendments ang deliberasyon para sa charter change sa pagbabalik ng sesyon ng Kamara sa susunod na linggo kasabay ng mga alegasyon na ang tunay na motibo umano ng cha-cha ay para i-postpone ang 2022 elections.
Ayon kay House Committee on Constitutional Amendments Chairman Rep. Rufus Rodriguez, nakahanda na aniya ang kanyang komite sa pagtalakay sa mga proposals ng local government officials para amyendahan ang 1987 Constitution sa unang dalawang linggo ng sesyon.
Ang ikalawang regular na sesyon ay mag-uumpisa sa Hulyo 27, parehong araw ng paglalahad ni Pangulong Rodrigo Duterte ng kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) sa harap ng joint session ng Kamara.
“I will call a virtual meeting of our committee possibly within the first two weeks of our session to tackle the proposals of our 1,489 town mayors and other pending measures (Magpapatawag ako ng virtual meeting ng aming komite maaaring sa unang dalawang linggo ng sesyon para talakayin ang proposals ng ating 1,489 na mga alkalde at iba pang mga pending na panukala),” ani Rodriguez.
Tinutukoy ng mga mambabatas ang League of Municipalities of the Philippines, na kinabibilangan ng mga alkaldeng karamihan ay kaalyado ng administrasyong Duterte, at ang kanilang panukala na ipatupad ang tinatawag na Mandanas Ruling ng Korte Suprema hinggil sa Konstitusyon.
Sa ilalim ng nasabing kapasyahan, makakukuha ng pondo ang mga rehiyon mula sa national taxes, bukod sa matatanggap na internal revenue allotments.
Matutulungan umano nito ang mga local government units na tugunan ang pandemiya at paigtingin at lokal na awtonomiya.
Hiniling din ng LMP na alisin ang paghihigpit sa foreign investment sa mga industriyang limitado lamang sa mga Pilipino.
“Especially this time when we need more foreign investments and to invite more foreign businesses relocating from China, in order to provide much needed jobs for our people, this amendment is worth considering (Lalo na ngayong kailangan nating ng mas maraming foreign investment at mag-imbita ng foreign businesses mula China, at para makapagbigay ng trabaho para sa mga Pilipino, may saysay ang pagkonsidera ng panukalang ito),” ani Rodriguez.
Iginiit naman ni House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi ipipilit ng Kamara ang constitutional reform sa mga tao kung hindi nila ito gusto.