Ipinahayag ni Senate President Vicente Sotto III noong Hulyo 20 na maghahain siya ng resolusyon para imbestigahan ang pagkamatay ng ilang convicted drug lords sa New Bilibid Prison (NBP) sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic.
Naunang sinabi ni Sotto na maraming high-profile inmates ang nasawi umano noong nakaraang buwan subalit kinuwestyon niya ang mga awtoridad kung bakit hindi aagad ito ibinalita.
“I’m filing a reso looking into the matter. There are too many unanswered questions (Maghahain ako ng reso para imbestigahan ang nangyari. Napakaraming tanong na hindi nasasagot),” ani Sotto.
Ayon naman kay Senate Committee on Health chair Sen. Christopher “Bong” Go, responsibilidad din ng pamahalaan ang kalusugan at kapakanan ng mga persons deprived of liberty (PDL).
Aniya, “Kailangang mabigyang linaw kung ano ang naging sanhi ng pagkamatay at kung may pagkukulang ba ang mga otoridad sa pangyayaring ito”.
Isa sa mga nasawi umano dahil sa Covid-19 ay si Jaybee Sebastian, na naging testigo laban kay Senador Leila de Lima na kasalukuyang naka-detain dahil sa pagkakasangkot nito umano sa drug operations sa loob ng national penitentiary.
Bagama’t protektado ng Data Privacy Act ang mga identidad ng mga bilanggong nasawi para maiwasan ang diskriminasyon sa kani-kanilang mga pamiliya, iginiit ni Senador Panfilo Lacson na maaaring magtanong ang mga senador ukol sa isyu sa pamamagitan ng executive session.
“We as legislators can ask relevant questions, especially in an executive session (May karapatang magtanong tayong mga mambabatas ng mga mahahalagang tanong sa isang executive session),” wika ni Lacson.
Gayunpaman, sinabi ng senador na mas pagtutuunan niya ng pansin ang mga mas mahahalagang problema sa halip na ibaling ang atensyon sa pagkamatay ng drug convicts.
Para naman kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, na unang naglingkod bilang pinuno ng Bureau of Corrections bago maging senador, wala umanong basehan ang imbestigasyon.
Aniya, “Wala namang sinasanto ang COVID kahit na yung British Prime Minister tinamaan din”.
“So far, wala pa akong nakikitang basehan,” dagdag pa niya.