Muling umalingawngaw sa balita si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Maj. Gen. Debold Sinas dahil sa panghaharass umano sa isang pamilya sa Lungsod ng Taguig. Nahaharap si Sinas sa imbestigasyon ayon sa Philippine National Police (PNP) noong Hulyo 20.
Batay sa nakalap na CCTV footage, pinangunahan ni Sinas ang grupo ng mga pulis na armado ng baril at nakasuot ng camouflage uniforms sa pagwasak ng isang gate ng isang pamilyang nakatira sa housing unit para sa mga pulis.
Sinigawan umano ng mga pulis ang pamilya at ipinag-utos na lisanin na nila ang bahay, kahit pinakitaan na sila aniya ng certificate of occupancy at isang police document na nagpapatunay sa ligal nilang pag-okupa sa lugar.
Ayon naman kay The PNP chief Gen. Archie Gamboa, paiimbestigahan nito ang insidente.
Nilinaw din niyang pag-aari ng gobyerno ang naturang bahay na dating Regional Direct Support Unit (RDSU) Building ng NCRPO sa Fort Bonifacio.
Ipinahayag naman ni Sinas na ang retired police na si Arnel Delos Santos ang nakatira sa nasabing bahay na pinahintulutang tumira doon habang nasa serbisyo pa.
Iligal umano ang pag-okupa ng pamilya sa motorpool quarters ng Motor Pool Building at ng lumang Regional Direct Support Unit (RDSU) Building ng NCRPO sa Fort Bonifacio, ayon sa NCRPO chief.
Noong nasa serbisyo pa si Delos Santos bilang miyembro ng NCRPO Regional Logistics Division, pinayagan ang pansamantalang paggamit sa quartering facility.
“However, it was made clear to him that after his retirement, sufficient time frame will be provided for him to vacate the premises considering that it is a government property (Subalit, nilinaw sa kanya na pagkatapos ng kanyang retirement, sapat na oras ang ibibigay sa kanya para lisanin ang property ng gobyerno),” paglilinaw ni Sinas.
Gayunpaman, paulit-ulit daw itong hindi sumusunod at hindi pa nakikipag-ugnayan sa mga pulis.
Itinanggi naman ni Sinas ang pagwasak sa gate ng pamilya.
Ayon kay Sinas, nag-inspeksyon sila noong Hulyo 18 sa lumang RDSU Building, na gagamitin umano bilang quarantine facility para sa mga pulis na nahawaan ng Covid-19, subalit hinarangan umano ni Delos Santos ang parking area na malapit sa building.
“Upon inspection, I ordered for the removal of the barricade blocking the motorpool parking area (Sa inspeksyon, ipinag-utos ko ang pag-alis sa barikadang nakaharapng sa motorpool parking area)”, ani Sinas.
Sinabi ni Sinas na sa halip na harapin siya nang personal ni Delos Santos, ipinadala lamang nito ang kanyang mga kamag-anak, kabilang ang anak na isang person with disability (PWD).
Sinsikap umano ng NCRPO na makipag-ugnayan kay Delos Santos para malutas ang isyu.
“The NCRPO leadership even offered him our support should he need it in relocating his family after vacating the Police Quartering Unit (Nagpaabot pa nga ng tulong ang NCRPO kung kakailanganin niya ito sa paglilipat ng kanyang pamilya matapos magretiro), ” wika ni Sinas.
Kwestyunable rin umano ang mga ipenresentang dokumento ng anak ni Delos Santos.
Ayon naman kay Mildred de Guzman, purok leader ng Barangay Western Bicutan, ang pananakot ng mga pulis ay hindi kinakailangan, lalo na sa harap ng mga bata.
Aniya, “Nakita po natin sa video mismo. Mga bata, na-trauma po sila. Nandoon din ang panduduro, nadoon na lahat”.
“Wala sila armas at di sila lalaban, bakit sila nagdadala ng mga mahahabang armas?” dagdag pa niya.
Binanggit naman ng mga barangay officials na hindi ito ang unang beses na pinasok ng kapulisan ang bahay ni Delos Santos.
Noong Abril 22, sinabi ni De Guzman na nagtungo ang ilang pulis na naka-sibilyan at pinaikutan ang gate ng bahay.
Ang pamilya Delos Santos ay nakatira sa nasabing bahay simula 2010. Mayroon itong lote na 5,000 square meters.
Unang umani ng pambabatikos sa publiko si Sinas matapos magdaos ng “mañanita” o pagdiriwang para sa kanyang kaarawan kung saan nilabag umano nito ang 10-kataong limitasyon sa mga pagtitipon buhat ng Covid-19 pandemic.
Hindi naman ito sinibak ni Pagulong Rodrigo Duterte.