Malacañang sa distribusyon ng SAP 2: “Mabagal po talaga”

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Presidential Spokesperson Harry Roque

Inamin ng Malacañang noong Hulyo 20 na naging mabagal ang distribusyon ng ikalawang bugso ng ayudang pinansyal sa ilalim ng social amelioration program (SAP).

3,371,494 na pamilya pa lamang mula sa kabuuang 18 milyong pamilya ang nakatanggap mula sa SAP, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ito ay katumbas sa P20.1 bilyon mula sa kabuuang P100-bilyong badyet para sa ayuda.

“Mabagal po talaga. Masasabi ko po na nabagalan din ang Palasyo sa proseso ng pangalawang tranche,” ani Roque.

Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, na nagtapos noong nakaraang buwan, bawat benepisyaryo ay makatatanggap ng ayudang pinansyal mula P5,000 hanggang P8,000 para sa buwan ng Abril at Mayo, batay sa minimum wage rates ng rehiyon.

Gayunpaman, tatapusin pa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang distribusyon kahit na katuwang na ng ahensya ang tulong ng digital wallets para sa programa.

“Maraming dahilan po ang sinasabi ng DSWD. Pero tinatanggap po namin ang deklarasyon ng DSWD na ‘di matatapos ang July na hindi mabibigay ang kabuuan ng ayuda maliban doon sa mga walang access sa internet,” dagdag pa ni Roque.

Bukod sa limang milyong karagdagang pamilya, makatatanggap din ng ayuda ang mga mahihirap na pamilya sa Benguet, Metro Manila, Southern Tagalog Region, Central Luzon (maliban sa Aurora province), Pangasinan, Albay Province, Zamboanga City, Iloilo, Cebu Province, Bacolod City, at Davao City.

“Ang sabi po ng DSWD, hanggang katapusan lang po ng Hulyo and the Palace will hold DSWD to that,” giit ng tagapagsalita ng pangulo.

LATEST

LATEST

TRENDING