VP Leni: Tugunan muna ang Covid-19 bago ang Cha-cha

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Sa halip na Charter Change ang atupagin, iginiit ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo na dapat mas bigyang prayoridad ng pamahalaan sa ngayon ang pagtugon sa mga problemang may kinalaman sa Covid-19 pandemic.

Aniya, “Dapat ‘yung parati natin ditong target, ang tinututukan natin ngayon, lahat ng makakatulong para mahinto na itong COVID transmission dito sa atin”. 

Ayon kay Robredo, ang pondong gugugulin sana sa Charter change ay ilaan na lang dapat para sa benepisyo ng mga ospital at iba pang mga pasilidad na nakikipagbuno sa pagtaas ng Covid-19 cases.

“Kung anu-anong iniisip na hindi naman nakakatulong sa COVID-19. Yung gusto pag-usapan yung Charter change, pag-usapan pero ‘wag naman sana sa panahon ngayon,” ani Robredo.

Pinuna rin ng pangalawang pangulo ang mga naging prayoridad ng pamahalaan sa nakalipas na mga linggo habang nasa kasagsagan ng pandemiya.

Ang dami nating pinagkakaabalahan Anti-Terror [Law], pagpasara ng ABS-CBN, na hindi naman sumasagot sa pagpahinto ng COVID,” wika ni Robredo.

Ang League of Municipalities of the Philippines (LMP), na kinabibilangan ng 1,488 municipal mayors na karamihan ay kaalyado ng administrasyon, ay nagpahayag ng suporta para sa Cha-cha sa pamamagitan ng pag-implementa ng tinaguriang Mandanas Ruling ng Korte Suprema sa ilalim ng Saligang Batas.

Sa nasabing kapasyahan, makakukuha ng pondo ang mga rehiyon mula sa national taxes bukod sa kani-kanilang mga internal revenue allotments (IRA).

Nanawagan din ang LMP na alisin ang paghihigpit sa foreign investment sa mga industriyang kasalukuyan ay limitado lamang sa mga Pilipino.

Ibinalita naman ni Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis “Chavit” Singson na isinumite na umano ang resolusyon na may petsang Hulyo 19 sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Hindi naman sang-ayon si Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate sa ginawang hakbang sapagkat hindi raw ito ang dapat binibigyang prayoridad sa ngayon.

The move for Cha-cha especially now is a waste of time, effort and the much-needed funds that should be re-channelled in fighting COVID-19 (Pag-aaksaya sa oras ang pagpapatupad ng Cha-cha sa ngayon, at dapat ibaling ang pondo ng pamahalaan sa paresponde sa Covid-19),” ani Zarate.

Noong Mayo, inirekomenda ni House Committee on Constitutional Amendments chair Rep. Rufus Rodriguez ng Cagayan de Oro na pansamantalang isantabi muna ang usapin sa Cha-cha at magpokus sa halip sa pagtugon sa laban kontra Covid-19.

LATEST

LATEST

TRENDING