Sinugod ng mga pulis mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO), kabilang ang pinuno nitong si Maj. Gen. Debold Sinas, ang bahay ng isang pamilyang nakatira sa housing unit para sa mga pulis sa Lungsod ng Taguig noong Hulyo 18.
Ayon kay Arles Delos Santos na nakatira sa bahay, dumating ang mga pulis sa tapat ng kanilang gate bandang alas-kwatro ng hapon, suot ang kanilang camouflage at SWAT uniforms, habang armado ng mga baril.
Sinira umano ng mga ito ang kanilang gate at pilit na pumasok sa kanilang tahanan.
Nasapul naman sa CCTV ng pamilya ang insidente.
Hinahanap umano ni Sinas ang mga magulang ni Delos Santos, na wala sa bahay noong panahong iyon, upang sabihang umalis na sa tahanang iyon.
Sinabihan naman ni Delos Santos ang mga pulis na umalis habang nagpumilit na pasukin ang kanilang tahanan.
“Sobrang daming pulis. Magpapaalis na naman sa amin. Natakot po kami. Sigaw ng sigaw si General Sinas,” ani Delos Santos.
Hinarap ni Delos Santos si Sinas at ipinakita ang certificate of occupancy at isang police document na nagpapatunay na ligal ang kanilang pagtira sa naturang bahay. Ayon sa kanya, pinirmahan pa ni Sinas ang naturang dokumento.
Aniya, “Kinuha ko papeles namin may legal papers, na legal pag-stay namin dito. Nagsisigaw, ‘Bakit kami andito, ilan kami dito,’ ‘PNP property daw ito’. May papel kami na hawak”.
Wala naman umanong hawak na dokumento si Sinas.
Ayon kay Delos Santos, inutusan umano ni Sinas ang mga kasamang pulis na kumuha ng mga litrato, kabilang ang mga miyembro ng pamilya, plate number ng sasakyan, at i-record ang naging komprontasyon.
Inagaw naman ng isang pulis ang cellphone ni Delos Santos nang mag-umpisa itong mag-record sa insidente.
“Nakikipag-agawan po siya. Habang nagpi-picture po ako, grinab, hinablot niya po. Natakot po. Maayos kami nakikipag-usap pero sinisigawan niya po kami, si General Sinas,” wika ni Delos Santos.
Nangyari umano ito habang kumukuha ng video ang mga pulis. Binigay aniya ni Delos Santos ang mga papeles para patunayang tunay ang mga ito. Subalit, nang hingin na niya ang mga ito, tinakot daw siya ng isang pulis.
“Inambahan po ako ng suntok. Magalang naman ako eh kasi uniformed personnel po sila. Tumawag kami ng barangay para rumesponde, pina-blotter po ‘yong nangyari,” ani Delos Santos.
Samantala, tila pang-aabuso naman ang ginawa ng mga pulis, ayon sa lalaking kapatid ni Delos Santos na si Mike.
Giit ni Mike, “Para sa amin, ‘yong unang-una, pagtanggal sa mga bakod po namin na kinabit namin, wala silang pahintulot. Halos magmakaawa pa po kami, talagang pinapakita namin ang papel para mabasa nila”.
Ayon naman kay Mildred de Guzman, purok leader ng Barangay Western Bicutan, ang pananakot ng mga pulis ay hindi kinakailangan, lalo na sa harap ng mga bata.
Aniya, “Nakita po natin sa video mismo. Mga bata, na-trauma po sila. Nandoon din ang panduduro, nadoon na lahat”.
“Wala sila armas at di sila lalaban, bakit sila nagdadala ng mga mahahabang armas?” dagdag pa niya.
Binanggit naman ng mga barangay officials na hindi ito ang unang beses na pinasok ng kapulisan ang bahay ni Delos Santos.
Noong Abril 22, sinabi ni De Guzman na nagtungo ang ilang pulis na naka-sibilyan at pinaikutan ang gate ng bahay.
Ang pamilya Delos Santos ay nakatira sa nasabing bahay simula 2010. Mayroon itong lote na 5,000 square meters.
Samantala, sa isang pahayag, sinabi ni Sinas na isang retired police ang ama ni Delos Santos na nagretiro noong Nobyembre 2018.
Iligal umano ang pag-okupa ng pamilya sa motorpool quarters ng Motor Pool Building at ng lumang Regional Direct Support Unit (RDSU) Building ng NCRPO sa Fort Bonifacio, ayon kay Sinas.
Noong nasa serbisyo pa ang ama ni Delos Santos bilang miyembro ng NCRPO Regional Logistics Division, pinayagan ang pansamantalang paggamit sa quartering facility.
“However, it was made clear to him that after his retirement, sufficient time frame will be provided for him to vacate the premises considering that it is a government property (Subalit, nilinaw sa kanya na pagkatapos ng kanyang retirement, sapat na oras ang ibibigay sa kanya para lisanin ang property ng gobyerno),” paglilinaw ni Sinas.
Gayunpaman, paulit-ulit daw itong hindi sumusunod at hindi pa nakikipag-ugnayan sa mga pulis. Itinanggi naman ni Sinas ang pagwasak sa gate ng pamilya.
Ayon kay Sinas, nag-inspeksyon sila noong Hulyo 18 sa lumang RDSU Building, na gagamitin umano bilang quarantine facility para sa mga pulis na nahawaan ng Covid-19, subalit hinarangan umano ni Delos Santos ang parking area na malapit sa building.
“Upon inspection, I ordered for the removal of the barricade blocking the motorpool parking area (Sa inspeksyon, ipinag-utos ko ang pag-alis sa barikadang nakaharapng sa motorpool parking area)”, ani Sinas.
Sinabi ni Sinas na sa halip na harapin siya nang personal ni Delos Santos, ipinadala lamang nito ang kanyang mga kamag-anak, kabilang ang anak na isang person with disability (PWD).
Sinsikap umano ng NCRPO na makipag-ugnayan kay Delos Santos para malutas ang isyu.
“The NCRPO leadership even offered him our support should he need it in relocating his family after vacating the Police Quartering Unit (Nagpaabot pa nga ng tulong ang NCRPO kung kakailanganin niya ito sa paglilipat ng kanyang pamilya matapos magretiro), ” wika ni Sinas.