Hinikayat ng isang maritime expert noong Hulyo 13 ang administrasyong Duterte na panindigan ang tindig ng bansa bunsod ng pagkakapanalo nito sa Permanent Court of Arbitration (PCA) sa isinampang kaso laban sa China noong 2016.
Ipinahayag din ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang kapasyahan ng PCA na pumabor sa Pilipinas kontra China tungkol sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea ay “non-negotiable.”
Ayon kay Jay Batongbacal, direktor ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, dapat imentena ng adminsitrasyon ang posisyon ng bansa at gamitin ito sa mga pagpupulong sa China hinggil sa hidwaan sa West Philippine Sea.
Aniya, “This has been long coming. Ang tagal na talaga nating hinihintay ito… Kahit na huli siya at least nandyan na. Sana mula ngayon talagang panindigan talaga natin itong sinabi natin ngayon. Hindi pwedeng pabalik-balik tayo, para tayong pendulum, para tayong swing, urong-sulong”.
“Patuloy siyang binabalewala ng Tsina, malinaw iyon,” dagdag pa ni Batongbacal.
Ayon naman kay DFA Secretary Teodoro Locsin Jr., ang arbitral award ay nagrerepresenta sa “tagumpay, hindi lamang sa Pilipinas, bagkus sa buong komunidad ng mga bansang may pagpapahalaga sa batas”.
Gayunpaman, ang nasabing kapasyahan ng PCA ay hindi kinilala ng China at nagtayo ito kamakailan ng panibagong mga administrative districts sa South China Sea bilang kabahagi ng Sansha City sa lalawigan ng Hainan.
Naghain naman ang Pilipinas ng diplomatic protests laban sa hakbang na ito at iginiit na labag ito sa international law at sa soberanya ng Pilipinas.
Inireklamo rin ng bansa ang panunutok ng radar gun ng isang barko ng China sa barko ng Philippine Navy habang nasa katubigan ito ng bansa. Tumutol din ang bansa sa ginawang pagpapangalan ng China sa ilang mga features na matatagpuan sa Kalayaan Island Group.
Samantala, naiulat naman ang ilang aktibidad na isinasagawa ng China katulad ng marine scientific research sa karagatan ng Pilipinas kahit na wala itong pahintulot.