Ipinahayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles noong Hulyo 12 na posibleng ipasailalim sa pinkamagaang modified general community quarantine (MGCQ) ang Metro Manila sa Hulyo 16 kung agarang mapapatupad ang localized lockdowns sa ilang bahagi ng Kamaynilaan.
Binigyang diin niya na isa ang MGCQ sa dalawang iminumungkahi ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) kay Pangulong Rodrigo Duterte. Ang ikalawa naman ay panatilihin pa rin ang general community quarantine (GCQ) sa National Capital Region (NCR).
Aniya, “There are really two options dito, puwedeng MGCQ pero dapat mabilis ang mayor or sige i-GCQ muna natin para bigyan natin ng panahon na masanay ang mayor”.
Kung papayag si Duterte na ilagay ang Metro Manila sa MGCQ, sinabi na Nograles na inaasahan niyang agarang maglulunsad ng mga localized lockdowns ang mga alkalde sa mga partikular ng barangay sa loob ng 14 na araw.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang incubation period ng Covid-19 ay nasa lima hanggang anim na araw bilang average. Subalit, posible itong umabot sa 14 na araw.
Iginiit ni Nograles na ang pangulo ang huling magpapasya tungkol sa mga inihaing panukala.
“Hintayin natin si Pangulo ang mag-announce,” ani Nograles.
Sinabi rin ng Cabinet Secretary na magpupulong ang IATF sa Lunes, Hulyo 13, upang talakayin ang mga maaaring pagbabago sa quarantine protocols.
Samantala, noong Hunyo 30, naunang binanggit ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na nais niya ring ilagay na sa MGCQ ang NCR at Calabarzon upang maibangon muli ang ekonomiya sapagkat ang dalawang rehiyon na ito ay kumakatawan sa 67 porseyento ng ekonomiya ng bansa.
Itinutulak din ni Dominguez ang pagkakaroon ng localized lockdowns sa mga barangay na may mataas na bilang ng Covid-19 cases.
Dapat din umanong ikonsidera ang company-to-company lockdown.
Kasalukuyang nasa GCQ hanggang Hulyo 15 ang Metro Manila, Benguet, Cavite, Rizal, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Ormoc, Leyte, at Southern Leyte. Kabilang din dito ang Talisay City, Minglanilla, at Consolacion sa lalawigan ng Cebu.
Maliban sa Cebu City na nasa enhanced community quarantine (ECQ), ang natitirang bahagi ng bansa ay nasa MGCQ.
Batay sa datos noong Hulyo 11, nasa 54,222 na ang kabuuang bilang ng mga Covid-19 cases sa bansa. Sa bilang na ito, 14,037 na ang gumaling habang 1,372 naman ang nasawi.