Malacañang: Special session para sa ‘Bayanihan 2’, hindi pa tiyak

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Sinisiyasat pa ng ehekutibo ang binabalak na special session sa Kamara patungkol sa pagdinig ng panukalang “Bayanihan 2” na naglalaman ng stimulus package upang maibagong muli ang ekonomiya ng bansa na naapektuhan ng Covid-19 pandemic, ayon sa Malacañang.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, “Tina-tantiya nga po kung kinakailangan pang tumawag ng special session kasi malapit na rin po naman talaga ang pagbubukas ng regular session ng Kongreso. Tignan po natin”.

Noong Hulyo 2, naunang inanunsyo ni Roque na hihiling si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na magdaos ito ng special session upang talakayin ang pagpasa sa Bayanihan 2.

Ang “Bayanihan 2” ang magsisilbing ekstensyon sa naunang Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act na nagtapos noong Hunyo 25. Ang Bayanihan Law ay nagbigay ng karagdagang kapangyarihan kay Duterte para sa agarang pagresponde sa Covid-19 krisis.

Nagkapaghain na ng kanya-kanyang bersyon ang Senado at Kamara sa “Bayanihan 2”. Gayunpaman, ang mga bills na ito ay iba pa sa panukala ng ehekutibo na nililimatahan lamang sa P140 milyon ang pondo ng stimulus package.

Nilinaw naman ng Malacañang na hindi maaapektuhan ang distribusyon ng ayudang pinansyal sa ilalim ng social amelioration program (SAP) sa pagtatapos ng Bayanihan Law.

Subalit, humingi ng tawad si Roque dahil sa mabagal na pamamahagi ng ayuda sa ikalawang bugso ng SAP.  Tiniyak naman nitong mapabibilis umano ang distribusyon kung maayos na ng gobyerno ang sistemang electronic sa pamamahagi ng ayuda.

Aniya, “Para doon sa susunod na mga ayuda, kung meron man, eh mas mapabilis na rin. Kumbaga one step backward, two steps forward po ang ginagawa natin”. 

Tinatayang nasa 17 milyong mahihirap na benepisyaryo ang makatatanggap mula sa ikalawang alon ng SAP.

Nakipag-partner naman ang pamahalaan sa GCash, Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC), Robinson’s Bank, PayMaya, at Starpay para masiguro ang mabilis na pamamahagi ng ayuda sa mga benepisyaryo.

LATEST

LATEST

TRENDING