Malacañang: Pagtanggi sa ABS-CBN franchise, “kapasyahan ng sambayanang Pilipino”

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang pagtanggi ng komite sa Kamara sa pagbibigay ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN ay “kapasyahan ng sambayanang Pilipino” umano sapagkat sila ang nagratipika sa Saligang Batas na nagbabawal sa operasyon ng media company kung wala itong prangkisa.

Aniya, “Well, alam ninyo po, ang taumbayan naman talaga po ang pinagmulan ng binding effect; ng legal effect ng ating Saligang Batas. Ang taumbayan ang nagdesisyon po na hindi pupuwedeng magnegosyo sa isang broadcast industry na walang prangkisa na inaprubahan ng representante ng taumbayan”. 

Iginiit din niyang majority umano ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan ang nasa likod ng botohan ukol sa ABS-CBN isyu.

“Pero sa ngayon po, iyan po ang desisyon ng representante ng taumbayan, iyan po ay desisyon ng taumbayan. Hayaan na po muna natin at hintayin natin ang husga ng taumbayan doon sa mga representante kung mayroon man,” ani Roque.

Ang Kamara de Representantes ay kasalukuyang kinabibilangan ng mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte, na unang nagbanta na ipapasara niya ang network noong 2019.

Ang pagtanggi sa ABS-CBN ay malawakang kinundena naman ng iba’t-ibang grupong pangkarapatan, academic institutions, press groups, ilang mambabatas, at iba pa.

Samantala, iginiit naman ni Roque na kinakailangan din ng prangkisa umano ng mga mamamahayag ng ABS-CBN para magamit nila ang kanilang karapatang magpahayag.

“Malinaw na kung mayroong prangkisa na nire-require ang Saligang Batas para doon sa kalayaan ng malayang pamamahayag na nakalagay sa Saligang Batas ay kinakailangang magkaroon muna ng prangkisa bago ka magkaroon ng kalayaan,” giit ng tagapagsalita ng pangulo.

Ito ay sa kabila ng malinaw na probisyon sa Saligang Batas (Artikulo III, Seksyon 4) na nagsasabing, “Hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamahayagan”.

Ang prangkisa ay kinakailangan lamang para sa isang kumpanya na gumamit ng broadcast frequencies. Nangangahulugan itong maaari pa ring makapagpahayag ang mga mamamahayag ng ABS-CBN bagama’t mayroon o walang prangkisa ang network.

Pinabulaanan din ni Roque ang posisyon ng ilang grupo na magkakaroon ng “chilling effect” o impluwensyang pagpapatahimik sa pagtanggi sa prangkisa ng ABS-CBN.

Hindi raw ito maaari sapagkat karamihan naman ng ipinapalabas sa network ay “entertainment” umano at hindi news.

“Hindi po ako naniniwala sa chilling effect, dahil unang-una, ang negosyo naman po talaga ng ABS-CBN ay hindi naman full time balita, kung hindi ito po ay entertainment,” paliwanag ni Roque.

Inilarawan ng media groups at mga mamamahayag, kabilang na ang Malacañang Press Corps, ang pagtanggi sa ABS-CBN franchise renewal bilang “state-backed oppression” o pang-aabuso ng estado.

LATEST

LATEST