Magdudulot umano ng “chilling effect” o impluwensyang pagpapatahimik sa media reporting ang nangyaring pagtanggi ng Committee on Legislative Franchises ng Kamara sa kahilingan ng ABS-CBN na magbigyang muli ng panibagong prangkisa, ayon kay Pangalawang Pangulo Leni Robredo.
Aniya, “Malawak ang implikasyon ng desisyong ito. Mayroon itong chilling effect: Hindi kalabisang isipin na maaaring magbabago ang editorial choices ng ibang pahayagan gawa ng panggigipit na ginawa sa ABS-CBN”.
Sa isang pahayag, sinabi ni Robredo, ang lider ng oposisyon, na tila tinatapakan ng pamahalaan ang kalayaan sa pagpapahayag dahil sa mga pangyayari katulad ng hatol kay Rappler CEO Maria Ressa, pagsasabatas ng Anti-Terrorism Act of 2020, at ang pagpapasara ng ABS-CBN.
“Ang mensahe: Kapag hindi tayo sumang-ayon nang buong-buo sa kanila, kalaban nila tayong ituturing,” ani Robredo.
Iginiit din ng pangalawang pangulo na malalagay sa peligro ang kabuhayan ng tinatayang nasa 11,000 na mga empleyado ngayong panahon ng pandemiya dahil sa kapasyahan ng House Committee on Legislative Franchises.
Wika niya, “Inaalisan nito ng kabuhayan ang libu-libong nasa empleyo ng network, bukod pa ang mga contractual, at ang iba pang mga industriyang nakasalalay sa mga proyekto ng network. Inaampat nito ang daloy ng wasto at napapanahong impormasyon”.
Tinuligsa rin nito ang direksyong tinatahak ng Kongreso sa panahong dapat nakatuon aniya ang atensyon sa pagsugpo ng Covid-19.
“Ang hirap tanggapin na lahat ng ito ay nangyayari habang lahat tayo’y nakikipagbuno pa rin sa hirap at pangambang dulot ng COVID-19. Solusyon sa pandemya, sa pagkawala ng trabaho, at sa gutom ang hinihiling ng Pilipino. Pero pananakot, pagbawi ng kalayaan, at dagdag na panggigipit ang pilit sa ating ihinahain,” pahayag ni Robredo.
May mahalagang itinuturo aniya ang “pagpatay” sa ABS-CBN franchise: “Malaki ang epekto ng ating mga inihahalal sa puwesto”.
“Mahalagang pumili ng mga pinunong tunay sa sumasalamin sa ating mga adhikain at prinsipyo. Kaya’t tandaan natin ang mga pangalan ng kongresista at opisyal na tumaliwas sa ating mga paniniwala upang mapanagot sila gamit ang mga prosesong pangdemokrasya; tandaan din natin ang mga kahanay natin, upang maisulong at bigyang-lakas pa ang mga tulad nila,” paglilinaw ng pangalawang pangulo.
Nanawagan din ito sa taumbayan na huwag mawalan ng pag-asa at manatiling nagkakaisa sa pagkilos.
“Bawat pahayag, bawat pagkilos ngayon ay may ambag sa mahabang proseso upang maabot ang lipunang tunay na malaya at makatao,” pagbibigay diin ni Robredo.