“Build, Build, Build”, mahalaga sa muling pagbangon ng ekonomiya

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
 Konstruksyon ng MRT-7
Larawan mula sa: PNA

Mariing nakatuon ang pamahalaan sa pag-implementa ng “Build, Build, Build” infrastructure program para matulungang maibangon ang ekonomiya ng bansa na naapektuhan sa pananalasa ng Covid-19 pandemic, ayon sa Malacañang noong Hulyo 9.

“Kabahagi pa rin po at importante pa rin ang papel ng ‘Build, Build, Build’ para sa ating recovery mula dito sa Covid-19 ,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ito ay matapos lamang aminin ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 7 na hindi pa kaya ng bansa na tuluyang buksan ng ekonomiya dahil sa posibleng pag-spike sa bilang ng mga kaso ng Covid-19.

Batay sa datos noong Hulyo 9, pumalo na sa 51,375 ang mga nagpositibo sa Covid-19 sa bansa, kabilang ang 12,813 na mga gumaling at 1,314 na mga nasawi.

Sa kanyang pre-State of the Nation Address (SONA) forum noong Hulyo 8, sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na ang pagpapanumbalik ng “Build, Build, Build” ang “pinakamagandang paraan” para maibangon muli ang ekonomiya.

Sinang-ayunan din ito ni Public Works Secretary Mark Villar, na nag-ulat sa mga isinasagawang infrastructure projects sa parehong forum. Sinabi ni Villar na matutulungan ang ekonomiya ng “Build, Build, Build” dahil mabibigyan nito ng trabaho ang maraming Pilipino.

Bagama’t nasa panahon ng pandemiya, nagbalik-operasyon na ang paggawa sa North Luzon Expressway (NLEX) Harbor Link, NLEX-SLEX Connector, Cavite-Laguna Expressway, Metro Manila Skyway Stage 3, R-1 Bridge Project, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway Project, at Subic Freeport Expressway Project.  

Samantala, tiniyak naman ni Roque na tuluyan nang bubuksan ang ekonomiya kung mapapababa na ng pamahalaan ang bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa.

Aniya, “Kapag napababa na natin ‘yung banta ng sakit, unti-unti na nating bubuksan ang ekonomiya”. 

LATEST

LATEST

TRENDING