Malacañang tungkol sa bubonic plague sa China: Walang dapat ikabahala

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Tiniyak ng Malacañang sa publiko noong Hulyo 9 na walang dapat ikatakot sa nabalitang pagputok ng bubonic plague sa China kamakailan dahil nananatiling sarado naman umano ang mga border ng bansa bunsod ng Covid-19 pandemic.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, seryoso umano ang pagtrato ng pamahalaan tungkol dito.

“Sineseryoso po natin ‘yan. Pero huwag po kayong mabahala kasi ang pagpasok po ng mga dayuhan sa Pilipinas ay hindi pa po pinapayagan ng malawakan, case-to-case basis lang po,” ani Roque.

Dagdag pa niya, “So sarado pa po ang ating borders at wala pong dapat ikabahala.”

Ayon sa mga awtoridad ng Inner Mongolia region ng China, isang magsasaka umano ang nahawa sa bubonic plague, na isang bacterial infection na nagdudulot ng lagnat, panginginig, pananakit ng ulo, pagkapagod, pananakit ng masel, at pamamaga ng lymph nodes.

Posibleng maging malubha ang epekto ng bubonic plague kung hindi agad ito magagamot ng antibiotics.

Samantala, inaprubahan naman ng Covid-19 task force noong Hulyo 6, ang iba’t-ibang hakbang pangontra sa panibagong uri ng swine flu, kabilang ang inter-agency surveillance mechanisms para sa swine farms at mga manggagawa nito, lalo na ang palaging na-e-expose sa mga baboy.

Inatasan naman ang Department of Health, Department of Agriculture, at Bureau of Customs para sa mahigpit na pag-implementa ng Food Safety Act of 2013, partikular na ang probisyon sa paghawak ng imported na pagkain na papasok sa bansa.

LATEST

LATEST

TRENDING